PNP, AFP OVERACTING KAY TRILLANES

ChaCha matagal nang patay!

Gloria magpapaulan ng bigas

Edu binigyan ng zero budget ng Senado


Hulaan Blues

Crime Stories


 

TOP STORIES

Edu binigyan ng zero budget ng Senado

(Rey Marfil)


Matapos makabanggaan si Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, lalo pang naharap sa matinding sakit ng ulo si Optical Media Board (OMB) Chairman Edu Manzano makaraang bigyan ng zero budget ng mga senador sa pangunguna ni Senate President Manny Villar ang tanggapan nito.

Ayon kay Villar, walang kinalaman sa awayan nina Manzano at Revilla ang kanilang desisyon na bigyan ng zero budget ang OMB.

Sa halip, sinabi ni Villar na dapat munang patunayan ni Manzano kung ano ang mga naging performance ng tinitimon nitong OMB at kung sinu-sino na ang mga naaresto sa isinasagawang kampanya laban sa mga pagkalat ng mga piniratang pelikula bago ibigay ang hinihinging P25.8 milyon budget ng tanggapan nito.

Sa kabila nito, hindi binago ng Senado ang P1.227 trilyon na inaprubahan kahapon kaya’t inaasaahang maibabalik din ang pondong hinihingi ng OMB kapag nagpakita ng performance si Manzano.

Samantala, nakatanggap din ng banat si Manzano mula sa iba’t ibang grupo sa local film industry gaya ng Film Academy of the Philippines (FAP) at Motion Picture Anti-Film Piracy Council (MPAFPC) Inc.

Ayon kay Leo Martinez, director general ng Film Academy of the Philippines (FAP), hihilingin niya sa Kamara na imbestigahan ang umano’y pagkakasangkot ni Manzano sa graft and corruption.

Ang tinutukoy ni Martinez ay ang isang order na inisyu noong nakaraang Enero 26 ni Judge Marino Rubia ng Branch 24, Laguna Regional Trial Court na nagsasaad na sa obserbasyon ng korte, lumilitaw na nag-aabogado ang OMB para sa mga pirata.

"Kung totoo ito, dapat na siyang mag-resign. Hindi siya bagay na magkaroon ng anumang puwesto sa pamahalaan," ani Martinez .

Kinondena naman ng MPAFPC si Manzano hinggil sa kanyang mga patutsada kay Revilla at sinabing nililigaw ang publiko sa mga tunay na isyu sa likod ng kontrobersiya gayong dapat pagtulungan ang problema laban sa piracy.

"Kung sinsero siya na tugunan ang piracy problem, dapat na tanggapin niya ang tulong at aminin ang kanyang pagkukulang. Dapat na nagsama sila ni Senador Revilla para sa interes ng industriya," ani MPAFPC President Roesholm Camaligan sa ipinalabas na press statement.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top