|
|
EDITORIAL
Nasaan si Bedol?
Nahaharap sa imbestigasyon si Bedol kaugnay ng iregularidad sa idinaos na senatorial election sa Maguindanao. Pero hindi makita si Bedol. Hindi alam ng Comelec kung saan ito nagtatago ngayon. Nasa Pilipinas pa ba siya o nakapuslit na patungo sa ibang bansa? Hindi ito ang unang pagkakataon na inutusan ng komisyon si Goltiao para arestuhin si Bedol. Pero walang nangyari sa unang deadline na ibinigay sa kanya. Kataka-taka kung bakit nahihirapan ang pulisya na matagpuan at dakpin si Bedol. Gaano ba ka-impluwensiya at kalakas ang kapangyarihan ng taong ito at nahihirapang makita siya ng mga awtoridad? Tapos na ang eleksyon. Naiproklama na ang mga nanalong kandidato sa senatorial election. Natakpan na ng iba’t ibang isyu at eskandalo ang paghahanap sa kanya pero hanggang ngayon walang maipakitang accomplishment ang ARMM regional director. Kung walang kinatatakutan si Bedol bakit siya nagtatago sa Comelec? Bakit ayaw niyang harapin ang mga akusasyon ng oposisyon na nagkaroon ng iregularidad sa senatorial election kung sa kanyang palagay ay malinis siya? Sa PNP, patunayan naman sana ninyo na wala kayong kinikilingan maka-administrasyon man o oposisyon. Tugisin at iharap sa Comelec si Bedol! |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|