HINDI pa nakukunan ang love scenes nina Angelika de la Cruz at Wendell Ramos sa sinenobelang Una Kang Naging Akin (na magsisimula na bukas, Setyembre 1, sa Dramarama sa Hapon ng GMA), pero aminado si Angelika na nailang siya sa kissing scene nila ni Wendell.
First time kasi nilang nagkatrabaho ni Wendell at never pa silang nag-bonding na dalawa, tapos nu’ng first taping day, ang unang kinunan sa kanila ni Direk Joel Lamangan ay eksenang halikan.
Papel ni Vanessa (ginampanan ni Dawn Zulueta sa 1991 Viva movie na dinirek ni Laurice Guillen) ang role ni Angelika, na unang pinangakuan ng kasal ng karakter ni Wendell na si Nick (ginampanan sa pelikula ni Gabby Concepcion) kaya kailangang ipakita na nagmamahalan sila.
Tumangging i-describe sa amin ni Angelika ang halik ni Wendell. Asiwa raw siyang sagutin ang mga ganu’ng tanong bilang respeto sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Orion Casareo.
Naiintindihan ng nobyo niyang normal lang na makipag-kissing scene at love scenes siya, pero alam nito na hindi gusto ni Angelika ang mga ganu’ng eksena.
Masaya ang dalaga sa simple at tahimik nilang relasyon ng 28 y/o na si Orion na may sariling gym at branches ng Goldilocks bakeshop sa Northern Luzon.
Magtu-27 y/o na si Angelika sa Oktubre 29 at nasa tamang edad na para magpakasal.
Mabilis siyang tumango nang tanungin namin kung napag-uusapan na nila ng boyfriend niya ang tungkol sa kasal.
Pwede bang maganap soon ang plano nilang pagpapakasal?
“Sana, kung ako ang tatanungin! Ha! Ha! Ha! Hindi ko alam… minsan, gusto ko; minsan, natatakot ako (na ikasal). Syempre, normal naman ‘yun, ‘di ba?” nakangiting sey ni Angelika.
Pero feeling niya ay si Orion na ang lalakeng itinadhana para sa kanya?
“Oo naman!” ang mabilis at walang kakurap-kurap na sagot sa amin ng young actress.
Paano niya nasabi ‘yon?
“Basta, alam mo lang. Nararamdaman mo! Ha! Ha! Ha!” tawa niya.
So, pwedeng maganap ang kasalan na ‘yon this year o kaya ay next year?
“Siguro…”
Naku, ayaw ng Daddy Ernie niya ng ganyan!
“Wala siyang magagawa! Ha! Ha! Ha!” halakhak niya.
Teka, kontra ba ang tatay niya sa nobyo niya?
“Hindi, hindi, in fairness sa dad ko. Pero siyempre, magulang ‘yon. Kung puwede lang na habambuhay at matanda na ako, wala pa rin akong asawa, mas gusto niya ‘yon! Ayoko naman ng gano’n. Gusto kong magkapamilya,” bulalas ng tisay na dalaga.
Gusto na ba niyang magka-baby?
“Hindi naman talaga gustung-gusto, pero bakit hindi? Siguro, masarap ding magka-baby ngayon, kesa naman ‘pag matanda na ako!” natatawang pakli pa ni Angelika.
***
Nilinaw ni Lorna Tolentino ang bali-balitang lilipat na siya sa ABS-CBN mula sa GMA.
“Wala pang final. I have the contract of GMA and I’m still waiting for the contract of ABS and then, pag-aaralan namin ni ‘Nay Lolit (Solis, manager niya),” sey ng aktres.
May sama ng loob ba siya sa Kapuso network kaya nagbabalak na siyang maging Kapamilya muli?
“Wala. Siguro at this point, hindi na siguro ako kasali sa network war. Parang ang tanda ko na para do’n! Ha! Ha! Ha!
“At saka nag-work ako for 2 years sa Kaytagal Kang Hinintay ng ABS, and then 3 years na ako sa GMA. So, hindi naman siguro nila mamasamain kung anuman ‘yung magiging desisyon ko na para naman din sa growth ko personally.
“Babasahin ko muna ‘yung kontrata and kung happy ang puso ko, du’n ako! Ha! Ha! Ha!” tawa niya.
Kung siya ang papipillin ay gusto ni Lorna na mag-host ng isang celebrity talk show (hindi na showbiz-oriented talk show).
Type niya rin ng isang sitcom para may breaker if ever daw may gagawin siyang teleserye.
Walang alam si Ms. LT sa napapabalitang kinukunsidera siyang gumanap bilang ina sa TV version ng Pieta (ni Carlo J. Caparas) sa ABS, na diumano’y pagbibidahan ni Ryan Agoncillo.
Wala pa raw anumang nababanggit sa kanya tungkol doon kaya wala siyang masasabi sa isyu.
|