Bagama’t ipinagtutulakan ng Palasyo ng Malacañang ang pag-apruba sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) lumalabas na hindi pala alam ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kabuuang nilalaman ng kasunduan.
Wala tayong kasiguraduhan kung may katotohanan ang pahayag na ito mula sa Malacañang.
Pupuwede kasing palusot lamang ito upang maging madali at hindi nakakahiya sa parte ni Pangulong Arroyo ang pagtanggap sakaling tuluy-tuloy na ang pagbasura sa MOA-AD.
Pero kung totoong hindi alam ng Pangulo ang nilalaman ng MOA-AD sadyang nakakabahala ang umiiral na sistema sa Malacañang.
Tipong umuulit na naman ang mga nakagawiang pag-apruba ng mga kasunduang hindi dumadaan sa masusing pag-aaral na kalaunan ay madidiskubreng palso o palpak.
Sana ay maging maingat na ang Pangulo sa pagpirma sa anumang dokumento lalo na sa mga kasunduan dahil siya ang lumalabas na palpak kahit palabasing wala siyang nalalaman sa nilalaman ng mga pinipirmahan.
Maraming beses nang napasok sa ganitong sitwasyon ang Pangulo kaya sana ay dobleng ingat ang pairalin sa mga darating pang panahon.
|