Top Stories

Crime Stories


 

HULAAN BLUES

Senador, nagpaulan ng laway

(Rey Marfil)


Katulad ng pagkakabansag bilang team leader ng "Mulaway Team", mistulang na-divert sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang dalawang bagyong pumasok sa Pilipinas na lumikha ng matinding pagbaha sa Metro Manila at karatig lalawigan dahil kamuntikan magka-flash flood sa loob ng session hall bunga ng ginawang pagpapasiklab ng isang senador.

Ang rason: Katakut-takot na pagpapaulan ng laway ang isinakatuparan ng senador matapos tumayo sa session hall upang magpasiklab at idipensa ang palasyo ng Malacañang sa panibagong eskandalong kinasasangkutan nito, animo’y inatasan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pangasiwaang Pilipino sa Panglingkurang Atmosperiko, Heopisika at Astronomiko (PAGASA) na mag-cloud seeding bunga ng mahabang tagtuyot na naranasan ng bansa.

Sa muling pagkakataon, nasaksihan ng TONITE Spy kung paano magpakawala ng sandamakmak na laway ang senador habang ipinagtatangol ang administrasyong Arroyo sa kontrobersiyang kinasasangkutan nito.

Maliban sa pagiging "Mulaway", animo’y ka-tropa ng mga taong-ibon sa panta-seryeng Mulawin, lumutang din ang pagiging obsessed o sobrang takaw sa media mileage ng senador matapos ‘kaninin’ ang lahat ng oras sa pang-hapong sesyon, as in mag-isang nagsalita sa buong sesyon.

Halos dalawang oras nagpapa-ulan ng laway ang senador, sa pamamagitan ng pag-depensa sa Malacañang kaya’t hindi maiwasan ang biruan sa hanay ng mga kawani ng Upper House na nanganganib magka-flash flood sa session hall.

Pagkatapos magtalumpati para ipagtanggol ang Malacañang, humingi lamang ng isang minutong suspension ang senador sa nakaupong senate majority floor leader at presiding Senate President upang uminom ng tubig dahil meron panibagong privilege speech ito.

Katulad sa naunang talumpati, kumain ng humigit-kumulang dalawang oras ang ikalawang privilege speech at lalo pang natakot ang mga guest, sampu ng Senate employees sa senaryong umapaw hanggang dibdib ang ‘laway-baha’ sa session hall dahil nakasalang ito sa interpellation.

Sa kabuuan ng palabas sa sesyon, mag-isang nagsalita ang senador kaya’t naging kantiyawan sa hanay ng mga mambabatas, maging sa Senate media ang biruang magiging triple ang presyo ng mga bota o boots kapag naging Presidente ang kumag.

Maliban sa biruang magiging triple ang presyo ng mga kasoutan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kapag nakatsamba sa 2010 presidential election ang senador dahil magiging mabenta ang bota sa merkado, hindi naman magiging problema ng Department of Agriculture (DA), sampu ng mga magsasaka ang El Niño dahil libre ang cloud seeding mula sa bunganga ng senador.

Clue: Kung husay ang pag-uusapan bilang public officials, hindi matatawaran ang kakayahan ng senador subalit malaking pasaway sa session hall, maging sa public hearing dahil hindi maawat ang bunganga sa pagtatanong at madalas ‘sino-solo’ ang imbestigasyon. Ito’y nag-aambisyon maging standard bearer ng administrasyon. 

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top