Reperi ang sinisisi ng mga Air21 fans sa pagkatalo nila sa Ginebra noong Linggo.
Umano’y pabor ang tawag ng mga reperi sa Ginebra.
Lamang kasi ang Air21 ng malaki nang biglang pumutok ang Ginebra – ang Grabeng Ginebra – at kanilang dinaklot ang kalamangan sa third quarter.
Sa 80-75 na tagumpay ng Ginebra, tabla ang serye, 3-all.
Bukas, ubusan ng lahi sa kanilang ika-7 salpukan para sa PBA Fiesta title.
Reperi ang nagpanalo sa Ginebra noong Linggo?
Ang sa akin ay tumiklop ang Air21 sa dulo. Banderang kapos.
Umabante ang Air21 ng 14-0 sa umpisa. Lumobo ang kalamangan sa 16 puntos, 33-17.
Pero hindi nasustine ng Ube Republic ang atake. Unti-unti, nilapa sila ng Ginebra.
Sa third quarter nagkatalo nang todo.
Sa magaling na ikot ng tao ni Coach Jong Uichico ng Ginebra, umalagwa sa yugtong ito ang Kings habang kanilang diniskaril ang bilis ng Express.
Abante ang Air21 ng dose mula sa kanilang 37-34 halftime lead, nang bigla na lamang tumakada si Chris Alexander.
Sa naglalagablab na third quarter ng Grabeng Ginebra, umiskor ng “etneb” si Alexander (37 puntos). Pinostehan niya ang 13-0 windup sa kantong ito para sa 61-55 na baon ng Ginebra papuntang fourth quarter.
Mula roon, tila basang sisiw ang Air21. Sa 7:32 ng fourth quarter, pito na ang lamang ng Ginebra, 70-63.
Nang magradweyt ang Air21 import na si Steven Thomas, 4:53 ang nalalabi sa fourth quarter, tapos ang boksing.
Masakit ang pagkatalo ng Air21. Karaka, sinisi ng kanilang mga fans ang mga reperi.
Ganyan kung minsan. Reperi ang sangkalan ng mga talunan.
Masamang ugali iyan.
Kapag talo, talo. Maski sa buhay nating pang-araw-araw, sa ugaling mapanisi ay mailap ang dating ng ngiti.
Kayo, mapanisi rin ba?
|