Naudlot ang pagsikwat ng Air21 Express sa kampeonato kamakalawa ng gabi sa Araneta Coliseum. Inaasahang giyera ang magaganap sa Miyerkules sa Game 7 ng PBA Fiesta Conference.
Nanalo ang Brgy. Ginebra sa Game 6 para itabla sa 3-all ang serye at bukas magkakaalaman ang dalawang koponan.
Kung gutom ang Ginebra, mas gutom ang Air21, dahil kung sakali ay ngayon pa lamang sila makakatikim ng kampeonato sapul nang sumali sa liga.
Sa laro bukas, masasabi nating kung sino ang mas malaki ang puso, ‘yon ang mananalo.
***
Sa totoo lang, nasa Brgy. Ginebra ang momentum.
Bagamat kulang-kulang sa players ang Kings, hindi ito iniintindi ni coach Jong Uichico.
Sa halip, dinidiskubre niya ang iba pa niyang manlalaro na may tapat at may shooting din gaya ni Chris Pacana, na pinakinabangan niya nang husto sa Game 6.
Idagdag pa siyempre ang walang takot na import ng Kings na si Chris Alexander, na nagtala ng career-high 37 points mula sa 15-of-22 field goal shooting at dinagdagan pa ng 24 rebounds.
***
Ang kampo naman ng Express ay tila nagkumpiyansa sa bandang huli ng Game 6, kaya kinapos ang mga alipores ni coach Bo Perasol.
Unlike sa mga unang laro ng Air21 na makikita ang determinasyong manalo.
Sa Game 6, ang Express mismo ang humatak sa kanilang sarili pababa.
Sa mga krusyal na sandali nakikita ang puso ng mga players, at dito tinalo ng Kings ang Express sa Game 6.
Dapat patunayan ni Arwind Santos ang nababasa namin sa t-shirts na suot ng kanyang pamilyang nanonood sa laro ang katagang “MVP,” na tila nagpapahiwatig na siya ang mas may karapatang tumanggap ng naturang karangalan at hindi si Kelly Williams ng Sta. Lucia Realty.
Kailangang ipakita ni Arwind na mas karapat-dapat nga siya at iyon ay abangan natin sa Game 7.
***
Delikado ang Express sa Game 7. Bakit? Dahil tila nagbabanta si coach Uichico na posibleng makapaglaro si Jayjay Helterbrand.
Sakaling makalaro nga si Jayjay, buhay na naman ang ‘the fast and the furious’ ng Brgy. Ginebra, na siyang tambalan nina Jayjay at Caguioa.
***
Samantala, dahil sa nangyari sa Game 6, pinagmulta ni Commissioner Sonny Barrios sina Mark Caguioa at Junthy Valenzuela ng Ginebra bunga ng flagrant fouls.
Sa flagrant foul 1 ni Caguiao kay (Arwind) Santos pinagmulta siya ng P5,000, at P1,000 naman kay Valenzuela mula naman sa foul niya kay Gary David.
Walang ipinataw na suspensiyon sa dalawa, dahil na rin siguro alam ni Commissioner Barrios ang kahalagahan ng championship series at kung sususpendihin nga naman ‘yung dalawang Kings ay makakaapekto ng malaki sa Ginebra.
***
Belated birthday greetings to Ms. Letty Junio and Ms. Marissa Malonzo, mga kasama namin dito sa Abante at Abante TONITE. Cheers!
|