Dear Sen. Escudero,
Magandang umaga po. May gusto lang ako malaman tungkol sa citizenship ng anak ko, ipinanganak ko po siya noong Nov. 2007 dito s Pilipinas pero ang tatay n’ya po ay U.S. citizen. Hindi po kami kasal pero apelyido ng tatay n’ya ang ginamit n’ya kasi pumirma naman po ang tatay niya sa birth certificate niya. Ang tanong ko lang po ano ang citizenship ng baby ko? U.S. citizen ba siya or dual citizen? Sana po ay matulungan n’yo po ako. Maraming salamat po and more power....
Lalaine ng Taguig
Dear Lalaine,
Hindi US citizen at hindi rin dual ang citizenship ng anak n’yo kundi Filipino. Sa ilalim ng Saligang Batas (Article IV, Section 1) mamamayan ka ng Pilipinas kung:
[1] mamamayan o citizen ka na ng Pilipinas sa panahong nagkabisa itong Saligang Batas (1987);
[2] ang nanay o tatay mo ay mamamayan ng Pilipinas;
[3] ipinanganak ka bago mag-January 17, 1973, na ang nanay ay Filipino at pinili mong maging Pilipino pagsapit ng legal mong edad; at
[4] “Naturalized” ka batay sa ating Saligang Batas.
Dahil ikaw, na ina ng anak mo, ay Filipino citizen at ang bata ay ipinanganak dito sa Pilipinas at ang sinusunod na batas ay “jus sanguinis” - at hindi sa United States kung saan ang sinusunod na pamantayan ay “jus soli” - ang bata ay mamamayan ng Pilipinas.
Sa “jus sanguinis” ang nasyonalidad o citizenship ay hindi binabatay sa lugar ng kapanganakan kundi sa pagkakaroon ng ninuno (ibig sabihin magulang) na national o mamamayan ng estado. Ang “jus soli” naman ay isang karapatan kung saan ang isang tao ay kikilalaning mamamayan ng isang bansa dahil ipinanganak siya sa partikular na bansa na iyon o teritoryong iyon.
Ang sinasabing “dual citizen” ay mga dating “natural born” Pilipino na naging iba ang citizenship dahil sa pangingibang bansa at pinili ang citizenship ng bansang yaon ngunit dahil sa Republic Act 9225 (Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003) ay naging Pilipinong muli. Bale dalawa o “dual” na ang kanilang citizenship, iyong bansa na kanilang pinuntahan at ng bansang Pilipinas.
Natural-born citizen ka ng Pilipinas kung ikaw ay ipinanganak sa Pilipinas at mula sa kapanganakan mo ay malinaw na Pilipino ka at wala nang kailangan pang gawing hakbang na kailangan para ikaw ay maging Pilipino.
Sumasainyo,
Senator Francis ‘Chiz’ Escudero
Ilakip ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo.com.