Aug. 19, 2008 - Tuesday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Tuluy-tuloy ang raket sa STL
Raymond Burgos


Laganap na ang small-town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa Luzon at Visayas pero mukhang marami pa ring mga operator ang pa­tuloy sa kanilang panloloko pagdating sa gross daily income ng kanilang STL.
May nakapagbulong nga sa atin na mukhang sa Cavite lang matino ang palakad sa STL ng Lucky Titanium Corp. na pinamumunuan ni Alex Billan dahil kung ano ang arawang kubransa ay siyang naka-report sa PCSO.
Marami nga ang nagtataka na kung kaya sa Cavite ang matinong palakad sa STL ay bakit hindi magawa sa ibang lugar gayung lahat naman ito ay nasa ilalim ni Romualdo Quinones na siyang poject manager ng STL at Conrado Zabella na asst. general manager for on-line lottery sector.
Tulad na lamang ng nangyayari sa Iloilo STL Ga­ming Corporation na may opisina sa kahabaan ng Arroyo St., Iloilo City. Sa ating pagkakaalam, umaabot sa P2.5 million ang daily gross income rito pero, P150,000 lang ang deklarado sa PCSO.
Sa Silay City, Negros Occidental, kumikita ng ara­wang kubransa ang Super Lucky Beagler sa hala­gang P2.2 million pero P100,000 lang ang alam na kubransa ng PCSO.
Sa Luzon naman ay may limang probinsya kung saan niloloko ng mga STL franchise holder ang PCSO dahil sa under declaration ng aktwal na gross daily income gaya ng nangyayari sa Visayas.
Sa San Nicolas, Ilocos Norte nakabase ang Lucky Pick Amusement and Development Inc. at umaabot sa P4 million ang gross daily income sa STL pero P300,000 lang ang deklarado sa PCSO.
Ang Batangas Enhanced Technology Systems na may opisina sa Sto. Tomas, Batangas ay tumatabo ng P4 million kada araw pero 10 porsyento lamang o P400,000 ang naka-report sa PCSO.
Ang Sierra Nuestra na STL franchise holder sa Gloria, Oriental Mindoro ay kumikita ng P3 million kada araw pero P200,00 lang ang alam ng PCSO na gross daily income nito.
Samantala, ang Royal Viva Research Corp. na may opisina sa 2267 Mabini St. Barangay Pag-asa, San Jose, Occidental Mindoro ay may gross daily income na P3.5 million pero P100,000 lang ang repor­ted sa PCSO.
Sa Tabaco City, Albay, Pilipinas Pacific Rim Corporation ang may prangkisa ng STL sa lalawigan ni Gov. Joey Salceda kung saan umaabot sa P4 million ang arawang kubransa pero P300,000 lang naka-report sa PCSO.
Maliwanag na panloloko ang ginagawang ito ng nabanggit na pitong STL operators at nangangahulugan ito ng pagkawala ng milyun-milyong pisong dapat sana ay napupunta sa kaban ng PCSO.
Posibleng hindi alam ni PCSO Chairman Sergio Valencia at Vice Chairman-General Manager Rosario Uriarte ang anomalyang nagaganap sa STL sa pitong lalawigan pero dapat sa antas nina Quinones at Zabella ay pinpointed na nila kung sino ang mga nasa likod ng ganitong panggago na sa PCSO.
Puwera na lamang kung may ilang mga opisyal ng PCSO nakikipagsabwatan sa mga STL operators para sa under declaration ng arawang kubransa kapalit ng under the table na kita mula sa mga operator.
Kung totoo man ito ay dapat lamang mag-imbestiga sina Valencia at Uriarte dahil kung hindi sila gagalaw ay baka isipin ng taumbayan na sila mismo ay nakikinabang sa ganitong raket sa STL.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES