Sa harap ng panawagan ng Former Senior Government Officials (FSGO) na ibasura ang Constituent Assembly (Con-Ass), agad pinayapa ng dalawang miyembro ng Senado ang kalooban ng mga dating opisyales kasabay ang paniniyak ng kawalan ng pag-asang lumusot ang anumang pagretoke sa Konstitusyon.
Ayon kay Sen. Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, walang dapat ipangamba ang mga dating gabinete sa Con-Ass dahil napakalabong mailusot ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ito.
Maging si administration Sen. Juan Miguel Zubiri, harap-harapang tinabla ang Con-Ass subalit pinaboran ang Constitutional Convention (Concon) na unang isinusulong ng mga dating kasamahan sa Lower House.
Anumang pagsusulong sa charter change ngayong panahon, ayon kay Aquino, ay walang patutunguhan at hindi rin uubra ang pagkilos ng administrasyon dahil nakalutang ang pagpapalawig sa termino ni Mrs. Arroyo.
“No to Chacha at this time for obvious reason,” kasagutan ni Aquino matapos ipanawagan ng FSGO ang pagbasura sa Con-Ass sa harap ng pagsusulong sa federal system ng Malacañang.
Bagama’t pinaboran ang Concon, iniwasan naman ni Zubiri ang manguna sa pagkilos para maretoke ang Konstitusyon matapos irason nitong mabibigyang-kulay ang posisyon ng mga senador lalo pa’t posibleng makinabang ang mga pulitiko.
“Pabor ako sa Charter change pero idaan sa Constitutional Convention at ang pagpili ng Concon delegates ay gawin sabay sa 2010 election. Masyadong kontrobersyal kung kaming mga politiko ang magsasagawa ng ChaCha dahil sa tindi ng galit ng tao sa politiko,” ani Zubiri.
Samantala, sinabi naman ni Makati Mayor at United Opposition president Jejomar Binay na hindi uubra ang anumang mga paniniyak ni Pangulong Arroyo na hindi ito interesado sa pagpapalawig ng termino.
Ipinaalala pa ni Binay sa publiko ang dating “Rizal Day statement” ni Pangulong Arroyo nang tiyakin nito sa publiko na hindi ito tatakbo sa 2004 presidential election subalit sinira nito ang kanyang salita at pangako. Marami pa aniyang mga pagkakataon na pinatunayan ni Arroyo na walang kuwenta ang mga pangako nito.
“It is said that we are now just talking about her not extending her term, when the real issue is still whether or not to have ChaCha,” ani Binay.
|