Kung mayroong “lord na lord” ang arrive sa Kamara ay wala ng tatalo sa isang balikbayang mambabatas mula sa Luzon dahil sa kanyang istilo na ikinaiirita ng kanyang mga kasamahan.
Ito ang report na nakarating sa DPA ng TONITE ukol sa mambabatas na walang nakakalapit na ordinaryong tao dahil animo’y laging mananagpang at galit sa mundo.
Kahit ang mga kasamahan ng mambabatas ay ilang sa solon dahil parang laging nakahandang panapak at hindi marunong tumawa kaya nabansagang “god father” ang arrive.
Wala raw kasing ipinagkaiba ang mambabatas sa mga lider ng sindikato sa pelikula na laging galit sa mundo at hindi nalalapitan ng mga tao dahil matapang ang pagmumukha nito.
Malaking tao kasi ang mambabatas at kapag tumingin ay pailalim kahit sa kanyang mga sariling kasamahan kaya marami ang naiilang dahil sa istilo niyang ito na ginagawa lamang ng mga “god father” sa mga pelikula.
Ang malupit at nagpapatapang sa mukha ng mambabatas ay lagi itong nakasuot ng puting amerikana at puting sapatos kaya nagmumukha talagang “god father”.
Dahil dito, bihira ang kumakausap sa mambabatas at kung mayroon man ay tiyak na pinagtitiyagaan na lamang siya lalo na kung kailangan ang pirma nito.
Kapag lumalabas naman ng session hall ang mambabatas ay mas matindi ang pagkailang ng mga tao sa kanya dahil sa kanyang istilo bukod sa napapaligiran din ito ng mga bodyguard.
Sa katunayan, sa distrito ng mambabatas ay hindi umano nakakalapit sa kanya ang mga ordinaryong mamamayan para humingi ng tulong dahil piling-piling ang mga kinakausap umano nito tulad ng ginagawa ng mga “god father” sa mga pelikula.
Hindi naman masisisi ang mga tao na mailang sa mambabatas na ito dahil para raw itong ipinaglihi sa sama ng loob.
Clue: Pumutok ang pangalan ng solon nang magkaroon ng kampanya ang isang ahensya ng law enforcer sa mga taong hindi raw nagbabayad ng buwis. Mayroon itong inisyal na B as in Barako.
|