SI Gretchen Espina ang unang Pinoy Idol. Marami ang nadismaya sa pagkapanalo niya.
Naroon kami sa convention center ng SM Mall of Asia last Sunday at kitang-kita namin sa mga mukha ng naroon ang depression nang i-announce ang pagkakapanalo ni Gretchen.
Marami rin naman ang tanggap na si Gretchen ang mananalo. Aminin man ni Gretchen o hindi ay nasa utak na nga mga tao na kaya siya nanalo ay dahil may kakayahan sila sa text votes.
May sinasabi ang pamilya ni Gretchen. Sa labang ito na via text votes ay kailangang gumastos ka ng malaki para manalo.
Kung talagang maraming naniniwala sa kakayahan ng isang contestant ay maraming boboto sa kanya na ikakapanalo niya.
Pero iba ang nasa utak ng mga tao na mas gustong manalo si Jayann Bautista o ang natanggal noon na si Kid Camaya.
Maski ang maraming press na nanood sa announcement ng Pinoy Idol winner ay dismayado dahil iba ang paniwala nila na dapat manaolo.
Pumasok tuloy sa isipan nila na ang isang nangangarap na pasukin ang pag-aartista at gustong sumikat ay panalo na agad kapag mula sa isang mayamang pamilya.
Wala tayong magagawa at iyon ang labanan na text votes lang.
Ang mga hurado ay guide lang para sa mga bumobotong mamamayan.
Dapat i-prove ni Gretchen na karapat-dapat siyang manalo at mapaniwala niya ang mga kritiko na siya ang dapat tanghaling unang Pinoy Idol.
***
Dumalo rin kami noong Linggo nang gabi sa premiere showing ng Loving You ng Studiomax, sister company ng Regal Entertainment.
Naroon ang mga bidang artista na kinabibilangan nina Jean Garcia, Polo Ravales, JC de Vera, Yasmien Kurdi, Ehra Madrigal, John Prats, Aljur Abrenica, Kris Bernal, Brent Javier, John Lapus, at iba pa.
Nandoon din ang director na si Don Cuaresma, plus ang mga producer na sina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Tio na katabi si Annabelle Rama (manager nina JC at Ehra).
As usual, wala nang ginawa ang fans kundi humiyaw nang humiyaw tuwing lalabas sa screen ang mga iniidolo nila. Hindi kami nagpa-distract sa kanila para hindi kami mawala sa pinapanood namin.
Naaliw kami sa pelikula na may light comedy. Masaya at hindi boring ang pelikula na tumatalakay sa buhay-buhay ng mga call center agents na napakarami sa ating bansa ngayon.
Magaling umarte sina JC de Vera at Yasmien Kurdi, huh! Si Ehra Madrigal ay nakaarte rin nang husto.
Ang Loving You ay magsisimulang ipalabas bukas.
***
Nakausap namin si Sheena Halili tungkol sa naging problema ng kanyang ina sa alalay ni Kevin Santos na dating alalay ni Rainier Castillo.
Nagkarelasyon dati sina Sheena at Rainier. Ayon kay Sheena ay wala pang closure ang relasyon nila at bigla na lang nawala sa buhay niya si Rainier.
Sa kuwento ni Sheena, kaya nagawa ng nanay niya ang pantatabig kay Emma na alalay ni Rainier ay medyo natabig din daw ito ni Emma with matching mabigat na pagkakahawak habang dumadaan ito sa may likod ni Sheena.
Aminado si Sheena na nag-excuse si Emma pero dahil masikip ang dadaanan ay natabig din siya, na itinatanggi ni Emma.
Naiintindihan daw ni Sheena ang ginawa ng mommy niya, being a protective mother, although nagulat daw siya sa commotion nang mangyari iyon.
Ipinangako namin kay Sheena na kakastiguhin din namin si Emma tungkol sa insidenteng ito.
Siyanga pala, okay ang role ni Sheena sa Loving You at parang lagi na lang ganito ang mga role niya na akmang-akma naman sa kanya at ikinabuhay ng career niya.
Sa mga ganitong role nagmarka sa mga manonood ang kanyang pangalan.
***
Bago at challenging kay Paolo Contis ang pagiging emcee sa World Records edition ng ‘Bilib Ka Ba Nights’ tuwing Martes sa GMA 7.
Ipapakita ng World Records ang amazing stunts mula sa iba’t ibang parte ng mundo.
|