KUNG makakarating lang sa bagong hirang na Pinoy Idol na si
Gretchen Espina ang mga narinig naming negatibong komento ay malamang maiyak siya.
Maraming hindi pabor sa pagwawagi ni Gretchen dahil feeling ng iba ay hindi ganu’n kagaling ang dalagang taga-Biliran, at madatung lang ang pamilya nito kaya lumamang ito sa text votes.
Nanood kami ng Final Showdown ng Pinoy Idol nu’ng Sabado nang hapon sa SMX ng Mall of Asia kaya napintahan namin ang final performances ng tatlong naglaban-labang finalists.
Kung magpapaka-Simon Cowell kami base sa nasaksihan namin nu’ng Final Showdown, Round 1 goes to Ram Chaves.
Judge’s choice ang unang round na Bridge Over Troubled Water (pinili ni Ogie Alcasid) ang inawit ni Ram.
Second bet namin si Jayann Bautista na umawit ng I’ll Never Love This Way Again (choice ni Wyngard Tracy) at ikatlo namin si Gretchen na kumanta ng For Your Eyes Only (choice ni Jolina Magdangal).
Sa Round 2 na mentor’s choice ay the best pa rin sa amin ang performance ni Ram ng I Don’t Wanna Miss A Thing (song choice ni Jaya).
Second lang ang You Never Walk Alone ni Jayann (na pinili ni Regine Velasquez) at third ulit si Gretchen sa song niyang Stand Up For Love (na si Jaya rin ang pumili).
Round 3 still goes to Ram dahil sa sariling version niya ng Handog (ni Florante) na nagkonek sa audience.
Close second para sa amin sa round na ‘yon si Jayann, na bigay-todo sa pag-sing and dance ng Proud Mary. Poor third pa rin namin si Gretchen sa so-so rendition niya ng Ngayon (ni Basil Valdez).
Nabitin lang kami (lalo na sa Handog ni Ram na ang ganda pa naman ng areglo) dahil bakit kailangang putulin ang mga kanta nu’ng tatlo eh final performance night nga ‘yon?
Hindi namin maunawaan kung bakit kailangang ‘yung song numbers nila ang iksian, samantalang ang mga guest na banda (apat ‘yon) ay ang hahaba ng kinanta at mga medley pa! Ano ‘yun??!
***
Lumalabas na na-sweep ng kalbong rakista na si Ram Chaves ang tatlong rounds ng final showdown para sa amin.
Bukod sa may power ang boses ay maganda ang voice quality ni Ram.
Kaya niya itong gawing swabe, pop, soulful, hindi lang basta rock. Kung naging kasingguwapo lang sana ni Bamboo si Ram ay perfect Pinoy Idol na siya para sa amin.
Ang dalawang girls ay kulang na kulang ang puwersa ng mga boses. Si Jayann ay hindi man lang yata nangalahati sa pagkabiritera ng best friend niyang si Rachelle Ann Go. Sayang dahil siya pa naman ang pinaka may personality sa tatlo (si Jayann ang bet ng PI judge na si Ogie Alcasid).
Si Gretchen ang sorry to say ay pinakaordinaryo ang boses sa kanilang tatlo. Hindi pan-diva ang dating niya na tulad ni Sarah Geronimo.
Wala rin siya nu’ng star potential ni Sarah o ng birit power ni Rachelle Ann.
Sa Grand Results Night nu’ng Linggo ay pinakaunang na-eliminate si Ram.
Nang awitin ng dalawang girls ang original Pinoy Idol song na To You (na kinompows ni Ogie Alcasid) ay nagkamali si Jayann at mas nakeri ni Gretchen ang kanta.
Ang ending ay talagang gabi ‘yon ni Gretchen at siya ang tinanghal na kampeon, deserving man siya o hindi!
***
Happy 70th birthday today sa isang famous showbiz character na super-lovable kahit may pagka-weird! Itinuturing din namin siyang isa sa mga ‘ina’ namin sa showbiz… happy, happy birthday Mother Lily Monteverde!
Labyuh, Mother!!!
|