HOLIDAY kahapon kaya maluwag ang mga kalye at akala ko’y tahimik sa GMA 7 dahil walang opisina.
Nagulat ako pagdating sa GMA Network Center dahil sobrang dami ang mga taong nakasiksik sa gate.
Nag-uunahan na pala sila sa pagkuha ng ticket para sa Let’s Celebrate b-day blowout nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa Agosto 27 sa Araneta Coliseum.
Kahit ako ay kinukulit na rin ng ibang kaibigan kung paano makakakuha ng ticket pero wala pa rin akong hawak kahit isa.
Matindi ang paghahanda ng GMA 7 sa concert na ito dahil malaki ang expectations na mapupuno nila ang Araneta Coliseum.
Pati ang mga Kapuso talents na malapit sa dalawa ay all-out ang suporta at maggi-guest sa naturang concert.
Ngayong linggo ang balik nina Dingdong at Marian galing Amerika. Puspusan na raw ang ensayo ni Marian.
Si Dingdong ay nakapag-record na pero kailangan pa rin niyang mag-rehearse dahil gusto nilang hindi ma-disappoint ang mga fans nila na makiki-celebrate sa kanilang kaarawan.
Hindi lang dito sa Pilipinas wagi ang loveteam ng dalawa kundi pati sa Amerika na katatapos lang ng show nila sa New Jersey.
Ilan sa mga kaibigan kong naka-base roon ay may mga kaibigan na lumipad galing San Franciso at Los Angeles para mapanood sina Dingdong at Marian sa New Jersey.
Ang pagkakaalam ko, kasali rin sa event na iyun si Bea Alonzo pero hindi ko lang alam kung sabay silang magsu-show roon.
Pagbalik ni Dingdong, hindi lang sa concert nila ni Marian ang paghahandaan niya kundi ang nalalapit na launch ng panibago niyang commercial.
Sana, maayos at masaya ang launching na naka-schedule na first week of September.
Makakasama rito ni Dingdong ang isa pang sikat na sikat at kontrobersyal na aktor na sana, huwag maging simula ng panibagong intriga.
***
Pinag-iisipan nina Mark Herras at Yasmien Kurdi na dalawin si Jennylyn Mercado na kapapanganak lang pero baka paglabas na lang daw ng ospital dahil mukhang mas gusto nitong magpahinga muna pagkatapos ma-caesarian.
Gusto sanang tawagan ni Yasmien si Jennylyn pero ayaw niya muna itong guluhin.
Nagte-text pa raw sila noon na parang type daw sana ni Jennylyn na manganak nang Agosto 8 pero hindi naman natuloy.
Nabigla na lang daw si Yasmien nang nabalitaan niyang nanganak na si Jennylyn nu’ng Sabado (Agosto 16).
Ang sabi ng mga nakakita, ang puti-puti ng baby boy at kamukhang-kamukha raw ni Patrick Garcia kaya siguro matitigil na ang mga nang-iintrigang kinukuwestiyon ang ama ng baby.
Narinig din naming malapit na raw bumalik si Patrick galing Amerika pero hindi naman ito makontak.
Nakausap namin ang handler ni Patrick at hindi rin daw niya alam kung paano makokontak ang aktor.
Ang pagkakaalam daw niya, next month na ang balik ni Patrick pero hindi lang masabi kung anong eksaktong araw.
Ang pamilya ni Patrick ay ayaw ring magsalita tungkol sa panganganak ni Jennylyn. Hindi rin masabi kung balak ba nila itong dalawin.
***
Umalis nu’ng nakaraang linggo si Carlene Aguilar patungong France para sa fashion ni Renee Salud.
Meron din silang show sa Egypt na isa sa mga dadaanan ng pilgrimage nina Lorna Tolentino at ng mga anak nitong sina Ralph at Renz.
Naiintriga na naman sina Renz at Carlene na baka magkikita sila roon.
Natitiyak ni Carlene na hindi sila magkikita sa Egypt dahil palipat-lipat sila ng lugar.
May mga manliligaw raw si Carlene at hindi kabilang si Renz sa mga iyun.
Sa anak na si Calix lang daw ang focus ni Carlene ngayon at ayaw muna niyang ma-in love.
Medyo may katarayan ang sagot ni Carlene sa isyung gustong makilala ni Cristine Reyes si Calix.
Text ni Carlene, “Ipapakilala ko lang si Calix sa babaeng pakakasalan ni Dennis (Trillo).”
|