Panibagong serye ng kaguluhan ang nangyayari ngayon sa Mindanao kung saan maraming buhay na naman nalagas.
Itanggi man ng gobyerno at ng kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) pero buo ang aming paniniwala na may kaugnayan sa nakabiting lagdaan sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang karahasang namamayani ngayon sa parte ng Mindanao.
Dahil sa karahasang nangyayari, aligaga ngayon ang gobyernong Arroyo kung papaano mapapayapa ang rehiyon na minsang binalak ihiwalay at bigyan ng sariling gobyerno pero dahil sa kautusan ng Korte Suprema ay nabitin ang paglagda sa kasunduan o ang tinatawag na MOA-AD dahil sa petisyon ng mga tutol sa plano.
Ngayong malawakan na naman ang karahasan sa parteng Mindanao, ituloy pa kaya ng gobyerno ang nilutong kasunduan o lalo itong mangngigigil na ipursige ang kasunduan upang sa gayun ay mabawasan ang sakit ng ulo dulot ng kaguluhang nangyayari sa rehiyon?
Gayunpaman, anumang hakbang ang ipatutupad ng gobyernong Arroyo sa likod ng kaguluhang ito sa Mindanao ay kailangan nating bantayan.
Hindi tayo puwedeng magbulag-bulagan o magbingi-bingihan sa pagkakataong ito dahil kapakanan at kaligtasan na ang sambayanang Filipino ang nakasalalay.
Alam nating nasa posisyon sila pero kailangan nating iparamdam ang ating presensiya upang sa gayun ay walang palpak itong magawa na taumbayan naman ang tatamaan.
|