Mariing kinastigo ng Senate whistleblower na si Sandra Cam si Albay Gov. Joey Salceda dahil sa umano’y pagsasawalang-kibo nito sa ulat na dinadaya ng Small Town Lottery (STL) operator sa lalawigan ang deklarasyon ng kita ng STL.
“Si Gov. Salceda na lang yata ang hindi nakakaalam na may hokus-pokus sa sales report ng STL operations sa buong lalawigan, o baka naman ay alam niya ang pandaraya pero ayaw niyang paimbestigahan sa obyus na dahilan,” pahayag ni Cam sa taga-media.
Kanyang idinagdag na ang paghokus-pokus sa bet collection report ng STL ay malaganap sa mahigit 15 lalawigan ng Luzon mainland, pero hindi umano niya maintindihan kung bakit walang kumikibo sa mga kinauukulan, tulad ng mga gobernador at kongresista.
“Siguro may sabwatan ang mga tiwaling LGU leaders at congressmen at ilang korap na STL operators tulad ng hinala ng matitinong miyembro ng kapulisan sa Albay, kung kaya’t ito ang una kong hiniling na imbestigahan dahil kumpleto ang mga dokumento ko sa lalawigang ito. Sa oras na makuha ko ang pruweba ng pandaraya sa ibang erya ay hahamunin ko ang PCSO na busisiin ang sales report na ipinararating sa kanilang opisina para magkabistuhan na kung sino ang mandaraya,” dagdag na pahayag ng star witness noong jueteng probe ng Senado.
Kanya pang inihayag na “bilang isang Bikolana ay uunahin kong matulungang masagip ang Albay mula sa mga kawatan sa gobyerno at sa mga kakutsaban nitong korap na STL operators."
|