Nanggagalaiting nagtungo sa Women and Children’s Protection Desk ang isang 24-anyos na dalaga upang ireklamo ang paghipnotismo at pagkatapos ay panghahalay umano sa kanya ng isang albularyo nang magpunta siya sa bahay ng huli upang magpahilot kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Caloocan City Police Station ang naarestong suspek na kinilalang si Manuel Elipio, 40-anyos at residente ng Libis St., Barangay 24 ng nasabing lungsod.
Nang kapanayamin ng TONITE, ipinahayag ng 24-anyos na biktimang taga-Caloocan, na bandang alas-tres ng madaling-araw, nag-text sa kanya ang suspek at pinapupunta siya sa bahay nito upang hilutin.
Dahil na rin sa masama ang pakiramdam ng biktima ay agad itong nagtungo sa bahay ng suspek upang magpahilot subalit nang magkaharap sila ni Elipio ay nahipnotismo umano siya at nawala sa sarili.
Laking gulat na lamang umano ng biktima nang matauhan at mabatid na wala na siyang anumang saplot sa katawan habang katabi ang hubo’t hubad ding suspek.
Dahil dito, agad na nagbihis at umalis ng bahay ang biktima at pagsapit sa kanilang bahay ay sinabi sa kanyang ka-live-in ang nangyari. Sinamahan ng kanyang kinakasama ang biktima sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang albularyo.
|