Aug. 19, 2008 - Tuesday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
CRIME NEWS
 
13 varsity players ng EAC, nagigipit sa kaso
Armida Rico
 

Ganito inilarawan ng 13 varsity players ng Emi­lio Aguinaldo College (EAC) ang kanilang kasalukuyang kalagayan matapos kasuhan dahil sa panggugulpi sa isang Filipino-American.
Humarap kahapon sa TONITE ang mga naturang manlalaro na inakusahang gumulpi sa Fil-Am student na si Jericho Santos noong Hulyo 2 sa Se­ven Seas Restaurant na nasa 9th floor ng Pearl Manila Hotel.
Pinabulaanan ng mga varsity players na binibigyan sila ng proteksyon ng pamunuan ng EAC kaya’t mabagal ang pag-usad ng kasong isinampa laban sa kanila ni Santos.
Sa katunayan,
ayon kina Niño Lapuz, 23, 4th year college at Jeff Galang, 21, 3rd year college, at kabilang sa 13 players na akusado, hindi na sila pinayagang makapagpatuloy ng pag-aaral sa naturang pamantasan makaraang kanselahin at bawiin ang kanilang pagpapa-enroll para sa second semester.
Sinuspinde rin umano ang kanilang mga kasamahan matapos mangyari ang insidente ng sinasabing bugbugan.
Itinanggi pa ng dalawa na sila ang pasimuno ng naturang kaguluhan at sinabing si Santos pa nga ang naghamon umano sa kanila matapos na hindi sinasadyang matabig ng kasamahang player na si Argel Mendoza, 19, 3rd year college, ang silya na inuupuan ng biktima.
Kung tutuusin anila, sila pa nga ngayon ang nasa ilalim dahil malakas ang impluwensiya ng mga taong nasa likod at sumusuporta kay Santos, kabilang na ang dalawang mataas na opisyal ng pamahalaan na umano’y kaibigan ng ina ng Fil-Am.
Sinabi pa nina Lapuz at Galang na mula nang pagbantaan sila ni Santos, hindi na normal ang kanilang mga kilos sa pangambang gamitin nito ang kanyang impluwensiya upang sila’y gawan ng hindi maganda.
Idinugtong pa ng dala­wa na bukod sa mara­ming mga ma-impluwensiyang tao ang kaibigan ng ina ni Santos, tumatayo rin umano bilang isa sa mga opis­yal ng Medical Center Manila ang ginang kaya’t hindi malayong makapagdikta rin ito sa pamunuan ng kanilang pinapasukang pamantasan kaya’t tulu­yan silang nagigipit ngayon.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES