Isang senior military officer ang napatay kahapon sa bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Kolambugan, Lanao del Norte.
Kinilala ni Lt. Col. Agane Adriatico, tagapagsalita ng 1st Infantry Division ng Philippine Army, ang opisyal na napatay sa bakbakan na si Lt. Col. Angel Benitez.
Namatay din ang dalawang escorts ni Benitez na hindi pinangalanan ng militar.
Ayon kay Adriatico, patungo ang grupo ni Benitez sa Iligan City para mag-report sa Joint Task Force Tabak (JTFT) nang tambangan sila ng mga rebeldeng MILF.
“In-ambush sila ng mag rebeldeng MILF malapit sa isang elementary school sa Kolambugan. Tinamaan siya sa ulo habang nakikipagpalitan ng putok sa mga rebelde,” ani Adriatico.
Subalit nakipagbakbakan umano ang convoy ni Benitez hanggang sa maitaboy ang mga rebelde. Dalawang sundalo ang nasugatan sa labanan.
Si Benitez ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1990. Ang namatay na opisyal ang incoming executive officer ng JTFT. Dati siyang nakatalaga sa 102nd Brigade ng 1st Infantry Division.
Samantala, sa inisyal na tala ng militar umaabot na sa 23 mga sibilyan ang bilang ng mga namatay dulot ng paglusob ng mahigit 300 MILF sa Poblacion, Kolambugan.
Tatlong sibilyan din ang nasugatan sa nasabing pag-atake.
Ayon kay Brig. Gen. Hilario Atendido, hepe ng JTFT, nilisan ng mga MILF ang Poblacion bandang alas-3:30 ng hapon subalit nag-dalawang grupo sa pag-atras.
“Ang isang grupo nila ay nagtungo sa kabundukan ng Kolambugan samantala ang isang grupo naman ay sa kabundukan ng kalapit bayan ng Kauswagan,” ani Atendido.
|