Nahubaran na ng maskara kung sino ang nagmamay-ari ng sports utility vehicle (SUV) na nasangkot sa isang aksidente at nagresulta sa pagkamatay ng isang guwardiya at pagkasugat ng isa pang lalaki sa Quezon City subalit nahubaran na ng maskara kung sino ang nagmamay-ari ng naturang sasakyan na may protocol plate number “8”.
Sa ginawang pagsisiyasat ng TONITE, nakarehistro umano ang nakabanggang Nissan X-trail na may protocol plate number “8” sa harapan at may plakang ZAK 158 sa likuran, kay Sharon Bautista, nakatira sa 18 Agustin St., San Francisco Del Monte Avenue, Quezon City.
Sinabi ni SPO1 Oscar Sese na si Sharon ay anak umano ni Caloocan City 1st District Oscar Malapitan at asawa naman ni Jayson Bautista na siyang nagmamaneho sa nasabing sasakyan nang masagasaan ang guwardiyang si Marbert Raz at kasama nitong si Romy Rivera.
Sinabi rin ni Sese na pinawalan na nila si Bautista matapos makipag-areglo umano sa mga biktima pero hindi niya matiyak kung magkano ang naging usapan nila.
 |
Isang sundalo na nasugatan sa sagupaan ng mga tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng Muslim, ang binuhat ng kanyang mga kasamahan para isakay sa military chopper sa Marawi City upang dalhin sa pinakamalapit na ospital. (AFP) |
Samantala, ayon kay QC Traffic Sector 6 commander Sr. Inspector Roberto Diaz, nagkaroon umano ng amicable settlement sina Bautista at ang pamilya ng nasagasaan at napatay nitong guwardiya na si Raz, 30, ng 42 Denver St., Cubao, Quezon City.
Sinabi pa ni Diaz na binayaran umano ng pamilya Bautista ang ginastos at magagastos pa dahil iuuwi umano ang biktima sa Surigao at pagbalik ng pamilya dito ay muli umano silang mag-uusap.
“Hindi na namin sinampahan ng kaso si Jayson Bautista at ini-release na rin namin siya dahil nagkaroon na sila ng amicable settlement noong pamilya ng kanyang nasagasaan,” pahayag ni Diaz sa TONITE.
Maging sa record ng Land Transportation Office (LTO) ay lumabas na nakapangalan sa isang Sharon Bautista, ng No. 18 Agustin St., San Francisco del Monte Avenue, Quezon City ang nakabanggang Nissan X-trail.
Subalit hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay patuloy na kinukumpirma umano ng LTO kung paanong napunta ang nasabing protocol plate sa nasabing sasakyan.
Ang pagkakasangkot ni Bautista sa road accident ay nangyari sa gitna ng bangayan nina House Speaker Prospero Nograles Jr. at LTO chief Alberto Suansing, hinggil sa kampanya laban sa mga kotseng gumagamit ng plakang “8” na hindi otorisado.
Base sa mga ulat, naghihintay umano ng go-signal si Suansing mula sa tanggapan ni Nograles para simulan na ang kampanya laban sa mga sasakyang gumagamit ng plakang “8” dahil sa pagiging abusado ng mga ito sa lansangan.
Ikinairita ni Nograles ang bagay na ito dahil hindi naman umano sumulat o nakipag-usap man lamang si Suansing sa kanya kaya para sa House Speaker, ginagamit umano ng LTO chief ang Kamara para sa kanilang media gimmick.
|