|
Spy on the Job
|
OPINION
Political dynasty sa baranggay! Isang paliwanag para kay Ms. Cherry Gaerlan, leasing manager ng kilalang department store sa Taytay, Rizal. Kung napapansin n’yo, Newsbarbers ang pangalan ng munting negosyo ng aming mga kaibigan sa media. Kaya tinawag itong ‘newsbarbers’ dahil halos lahat ng naglagak ng puhunan, eh taga-media, as in pinasok nila ang barberya bilang negosyo para kumita at mabawasan ang lumolobong unemployment rate ng bansa. Kung media exposure lang ang gusto ni Ms. Gaerlan, katulad ng kanyang inirarason sa ating mga kaibigan, ito’y kaya nilang gawin para magpalabas ng istorya sa iba’t ibang pahayagan, broadsheet man o tabloid. Nitong huli, nagawa pang i-feature ang Newsbarbers sa isang pang-umagang programa sa isang giant TV network. Kilala ng inyong lingkod ang mga may-ari ng Newsbarbers, gusto nilang makilala sa pamamagitan ng ‘word of mouth’ at hindi dahil sa kanilang koneksyon sa media community. Ika nga, walang challenge kung puro papogi ka lang sa diyaryo at hindi naman gusto ng tao ang serbisyo mo. Sa awa ng Diyos, nag-prosper ang kanilang negosyo at meron silang limang branches. Take note: ito’y nasa loob ng shopping malls na ibig sabihin, gusto sila ng tao. Kung naliliitan si Ms. Gaerlan sa Newsbarbers bilang negosyo ng mga taga-media, tila hindi nito naiintindihan na sa maliit din nagsimula ang negosyo ng kanyang amo. Tutal nanghihingi si Ms. Gaerlan ng ‘news write-ups’, isama mo na ito, Mam! *** Bago ipagtulakan ni Speaker Jose de Venecia ang postponement ng SK at barangay election, bakit hindi suriin ang isang kaso ng political dynasty sa Malibay, Pasay City para maintindihan kung anong epekto ng kanyang proposal, hindi iyong puro interes lamang ng mga kampon sa Lower House ang pinapaboran. Mantakin n’yo, 21-taon nang barangay chairman at hindi mapalitan dahil dalawang beses nang naudlot ang barangay election at walang magawa ang mga residente kundi pagtiyagaan ang kanyang mukha. Hindi natin babanggitin ang pangalan ni Barangay Chairman lalo pa’t ‘usapang barangay’ lamang ang isyu pero kailangang ipaintindi sa mga kongresista ang epekto sa postponement ng election ngayong Oktubre baka sakaling maiba ang paling ng tainga ni De Venecia. Maraming kasong kahalintulad ni Barangay Chairman sa Malibay Pasay City ang sumasalamin sa buong Pilipinas. Isipin n’yo, kahit napaso ang tatlong termino, katumbas ang 15 taon, ito’y nanatili sa kapangyarihan dahil dalawang beses na-postpone ang eleksyon noong 2002 at 2005, as in simula 1986 hanggang ngayon, hindi napapalitan ito. Kung wala nang atrasan ang SK at barangay election, katulad ng ipinagpipilitan ni Senate minority leader Aquilino "Nene" Pimentel Jr., awtomatikong expired ang termino ni Barangay Chairman kaya’t pinatatakbo ng kumag ang kanyang maybahay. Ang nakalulungkot lamang, eh halos kasing-tanda ni Barangay Chairman ang kanyang misis. Kundi naman matutuloy ang eleksyon at masunod ang kagustuhan ni De Venecia, patuloy sa paghaharing-uri sa komunidad ang kasalukuyang chairman. Ang nakasusuka lamang, tila may pinagmanahan si Barangay Chairman sa dalawang anak ni dating Senador Rene Cayetano na promotor ng political dynasty sa Upper House, animo’y walang kabusugan sa kapangyarihan dahil pinauso rin ang political dynasty sa kanilang barangay. Mantakin n’yo, tatakbo pang barangay kagawad sa tiket ni misis si Baranggay Chairman. Ang rason: walang kakayahang mamuno si misis kaya’t gagawin itong dekorasyon lamang, as in walang ibang magpapatakbo kundi si Barangay Chairman sakaling manalong kagawad. Para makontrol ni Barangay Chairman ang Barangay Council, pinatatakbo pang kagawad ang isang anak na babae, maging ang lalaking manugang. Ang malupit sa lahat, pati dalawang apo nito’y itinutulak sa Sangguniang Kabataan (SK) election, isang SK chairman at isang SK Kagawad. Ika nga, gagawing ‘family corporation’ ang barangay hall. At sa tagal ni Barangay Chairman sa kapangyarihan, alam n’yo bang nakapagpundar ng maraming sasakyan ang kumag, isang paupahang apartment-building, piggery farm at iba pang negosyo. Kaya’t huwag nang hintayin pa ni De Venecia na meron pumitik sa magkabilang tainga para matauhan. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|