|
Dos Puntos
|
OPINION
Engrandeng palabas... Dun po sa amin sa Amerika (ehem) at sa madalas kong pasyalan na Great Britain, Germany at Japan (ehem ulit) ang mga winawasak na sasakyan ay ‘yung mga luma at pinagsawaan na. Dito sa Pilipinas, ang mga mamahalin at bagumbagong sasakyan ang winawasak at ang ginagamit ay mga segunda mano at pinagsawaan ng ibang bansa... Panginoon kong buhay ‘to oo... magpapatuloy po tayo. Ang siste nito, walang kagamitan at pasilidad ang gobyerno sa pagsira ng mga sasakyan ‘di tulad sa ibang bansa na kumpleto sa kagamitan sa pagwasak at imbakan ng mga pinitpit na sasakyan. Daig pa kayo ng mga taga-Capalangan diyan sa Calumpit, Bulacan. Ay sus, ‘wag mong ipagkakatiwala kahit isang minuto ang iyong sasakyan dahil ‘pag nalingat ka....kahit tornilyo hindi mo makikilala sa sasakyan mo. Matapos ang ilang beses na patumpik-tumpik, napagpasiyahan din ng Malacañang na ituloy ngayon ang showing ng palabas. ‘Di ko lang alam kung sa mga oras na ito ay nakapagpasya na ang Presidential Anti-Smuggling Group kung paano sisirain ang mga mamahaling sasakyan. Kung ito ba ay susunugin o babagsakan ng mga container van. Wala naman sanang madisgrasya habang ginagawa nila ito. At sakaling abutan pa ng column na ito, baka naman pwedeng ipakansela na ng mahal na Pangulo ang mahal at magarbong palabas na ito na ang layunin lamang eh ipakitang totohanan na ang kanyang kampanya laban sa smuggling. Isip-isipin ninyo ang mga sisirain eh mga sasakyang tulad ng Ferrari, Lamborghini, corvette at iba pang ni sa panaginip ay ‘di pa nakita ng mga Pinoy. Mahigit isandaang milyong piso rin itong mga duduruging sasakyan na kung peperahin eh makapagpapakain na ng napakaraming nagugutom na Filipino. Sa Kongreso pa lang eh siguradong pag-aagawan ‘yan ng mga kongresista. Kung ang gusto lang ng Malacañang ay magpaabot ng mensahe sa mga smuggler, napakamahal namang palabas nito, mahal na Pangulo. Kung ang gusto lang ng Pangulo ay ipakita sa mga mamamayan na totohanan na ang kampanya ngayon laban sa smuggling, napakagarbong movie production naman nito. Hindi pang-Pilipinas ang ganitong mga palabas. Wala tayo sa Hollywood. At hindi kailangan ng mga Filipino ng magagarbong palabas o mga magagastos na pampapogi at pampaganda. Pero kung talagang ‘di kayo mapipigil at gusto ninyong magpasiklab, isakay na ninyo sa mga wawasaking sasakyan ang mga nagpuslit niyan...pati ang mga kasabwat sa customs at ilagay ninyo sa driver’s seat si Customs Commissioner Napoleon Morales, ‘di ba Usec Bebot Villar? Oo, ikaw nga, lilingon ka pa eh... alam ko namang ‘yan din ang iniisip mo. (gerrybaja@yahoo.com) |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|