Editorial

Spy on the Job

Dos Puntos


 

EDITORIAL

Leksyon sa opisyales at empleyado ng gobyerno


Magsilbi sanang leksyon sa mga empleyado at opisyales ng pamahalaan ang sinapit ng isang mataas na opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinatawan ng suspensyon ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) dahil sa paggamit sa sasakyan ng gobyerno sa paglalakwatsa.

Tatlong buwang suspensyon ang ipinataw ng PAGC kay Wayne Belizar, Director III at officer-in-charge ng Management Information Systems Service ng DSWD.

Nag-ugat ang suspensyon matapos na ireklamo ang opisyal ng pamunuan ng minolestiyang videoke bar.

Napag-alaman na gamit ang sasakyan ng gobyerno na isang Mitsubishi Adventure na may plakang SHP-754 ay gumimik ang opisyal sa isang Dunhull videoke bar sa San Fernando, Pampanga.

Sa kasagsagan ng paggimik ay nadiskubreng umabuso rin ang opisyal kasama ang ibang katrabaho nang hindi bayaran ang kinunsumong inumin sa bar.

Nakatutuwang malaman na sa kabila ng kawalang tiwala sa sistema ng hustisya sa ating bansa ay isang mataas na opisyal ng DSWD ang napatawan ng kaukulang parusa.

Bagama’t pinatawan na ng tatlong buwang pagkabilanggo ang nagkasalang opisyal, para sa amin hindi ito sapat na parusa sa pagkakasalang kanyang ginawa.

Dahil kung ganito lamang kagaan ang ipinapataw na parusa hindi nakapagtatakang balewalain ng mga tiwaling opisyal at empleyado ng gobyerno ang kautusang nagbabawal sa paggamit ng anumang pag-aari ng gobyerno sa paglalakwatsa.

Kaya habang maaga dapat ay repasuhin na ang batas ukol dito, bigatan at lapatan ng pangil nang sa gayun ay maipatupad nang walang palso.

Bukod dito, hindi kaya mas mabuting paigtingin ng PAGC ang pag-iimbestiga sa ganitong mga kaso dahil napakarami pang mga opisyal at empleyado na umaabuso.

Makikita sila sa mga pook pasyalan, bars, shopping malls at pagka-minsan sa mga eskuwelahan gamit ang mga sasakyan ng gobyerno.

Para maging makatotohanan ang implementasyon ng batas dapat ay ipatupad sa bawat empleyado ng gobyerno ang batas hindi iyong ipaiiral lamang sa iilan.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top