Matinding pagdududa ang lumulutang sa biglaang pagbuhay ng Palasyo ng Malacañang sa Charter Change (ChaCha) o ang pagpapalit ng sistema ng ating gobyerno.
Sabagay sa panahon ngayon, naniniwala kaming kailangang maging flexible ng gobyerno pagdating sa usapin sa Konstitusyon.
Marami kasing probisyon ang ating Saligang Batas na nangangailangan na ng rebisyon. Lalo na sa aspeto ng ekonomiya. Kumbaga sa sistema kailangang i-update.
Dahil sa mga problemang ating kinakaharap sa araw-araw may nasisilip tayong mga butas sa ating Konstitusyon na sa aming palagay ay karapat-dapat namang baguhin kung kapakanan ng sambayanang Filipino ang isasaalang-alang at hindi ang mga opisyal ng gobyerno na nais lamang makinabang upang manatili sa kapangyarihan.
Pero napakahirap ipagkatiwala ng sensitibong usaping ito sa mga nakaupong opisyal ng gobyerno mula sa Presidente ng bansa hanggang sa barangay chairman kaya’t ang pinakamabuti gawin ay papirmahin sila sa isang covenant na nagsasaad na hindi sila makikinabang sa pagpapalit ng sistema ng gobyerno kagaya ng gagawing pagtakbo sa darating na 2010 elections.
Maaring sa ganitong kasunduan, makukumbinsi ang taumbayan na kapakanan nga ng bansa ang prayoridad ng mga opisyal ng gobyerno kaya’t marubdob ang pagnanais na mapalitan ang sistema ng ating pamahalaan.
|