Aug. 13, 2008 - Wednesday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
CRIME NEWS
 
Special group itinuro sa likod ng pagliligpit sa mga kutsero
BTaguinod/ACano
 

Isang grupo na tinatawag umanong special group ang hinihinalang nasa likod ng pagkawala ng mga kutsero sa Maynila bilang ganti sa panghoholdap umano sa mga turista.
Ito ang impormasyong nakarating sa TONITE hinggil sa kaso ng mga kutsero na isa-isang nag­laho matapos kunan ng larawan sa Manila nang magkaroon ng holdapan sa parte ng Luneta noong unang linggo ng Mayo 2008.
“Balita ko ‘yung special group ang kumana dahil matindi daw ang holdapan at harassment sa mga turista,” pahayag ng impormante na hindi na nagpabanggit ng pangalan.
Base umano sa modus operandi ng ilang tiwaling kutsero, kokontratahin ng mga ito ang isang turista ng 400 subalit hindi sinasabi kung peso o dolyar kaya agad na sumasakay sa kanila ang bibiktimahin.
“Aakalain ng turista na P400 ang babayaran niya pero $400 ang sisingilin. Siyempre makikipagtalo ang turista at pagsasalikupan na siya ng mga kutsero hanggang bumigay,” anang impormante.
May mga nagmamatigas umanong turista na peso ang babayaran at bilang ganti ng mga kutsero ay ibababa ito ng sapilitan sa Smokey Mountain sa Balut, Tondo Manila o kaya sa ibang squatter area.
Isang halimbawa rito ang isang Koreana umano na nag-iisang sumakay sa kalesa sa Intramuros, Manila at nagpahatid sa Luneta su­balit hinoldap matapos makita na maraming pera.
Aminado naman si Lito delos Santos, ama ng nawawalang si Jayson delos Santos, na may mga kasamahan silang “tirador” ng mga turista subalit itinatanggi niyang kasamahan nilang mag-ama ang mga ito.
“May nga nababalitaan kami na hinoholdap ng ibang kutsero ang mga sakay nilang turista. Kung hindi man, tinataga talaga. Ang problema, hindi naman regular na namamasada sa pinagpapasadahan namin sa Maynila ang kumakana sa mga turista, dumadayo lang sila kaya pati kami damay,” ani Mang Lito.
Kahapon ay napag-alamang nagtungo sa Commission on Human Rights (CHR) si Mang Lito upang magreklamo.
Samantala, dala ng marubdob na pagnanais na muling makita ang kanilang nawawalang kapamilya ay nakakaranas pa ng panloloko mula sa mapagsamantalang ilang tao ang mga kaanak ng mga naglahong kutsero sa Maynila.
Ayon kay Joel Dela Cruz, anak ng nawawalang kutsero na si Juanito Dela Cruz Sr. alyas Mang Johnny, makailang ulit na silang nakaranas ng panloloko mula sa kunwa’y nagmamagandang-loob na makapagtuturo hinggil sa kinaroroonan ng kanyang ama pero sa bandang huli ay pawang panlilinlang at pagsasamantala lamang pala ang pakay ng mg ito.
Nang mawala umano si Mang Johnny ay napagpasyahan ng kanilang pamil­ya na ipa-publish sa missing person section ng dyaryo ang pagkawala nito.
Gayunpaman, nakatanggap man umano ng tawag sa kuno’y nagmamalasakit na caller sa bandang huli ay madidiskubre nila na ginugdtaym lamang pala sila ng mga ito.
“Mayroon pong tumawag sa amin, sabi nasa isang probinsya raw po ang tatay ko pero pagpunta ko po sa itinuturong lugar ay wala naman,” pahayag ni Joel.
Bukod dito, ginagamit pa umano sila ng ilang walang magawa at mapang-abusong tao para naman pagkakitaan.
“Nu’ng lumabas po sa missing person ng dyaryo ay nakatanggap kami ng mga tawag at text, pero sasabihin ng mga nagte-text na ituturo nila kung nasaan ang tatay ko kung magbibigay muna kami ng load sa kanilang cellphone,” naghihimutok na pahayag ni Joel.
Samantala, nananalig naman si Joel at ang ina nitong si Aling Carmencita na buhay pa si Mang Johnny.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES