Umaabot sa mahigit sa P2M halaga ng mga ari-arian ang napinsala matapos lamunin ng apoy ang sari-saring establisimiyento gayundin ang mga paupahang silid sa dalawang palapag na commercial/residential building sa Maynila kahapon.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni FO2 Victor P. Bag-id, arson investigator ng Manila Fire Department, alas-2:14 ng hapon kahapon nang nagsimulang sumiklab ang sunog sa isang pinarerentahang silid na nasa ikalawang palapag ng gusali sa Arlegui St., at kanto ng Fraternal St., Quiapo, Maynila.
Nabatid na pag-aari umano ng isang Bartolome San Diego ang naturang gusali.
Itinaas sa ikalimang alarma ang sunog pagsapit ng alas-2:26 ng hapon.
Makalipas ang mahigit isang oras ay ganap namang naapula ng mga kagawad ng pamatay sunog ang apoy.
Kabilang sa mga napinsalang establisimiyento na nakapuwesto sa unang palapag ng gusali ay panaderya, laundry shop, karinderya at mini-grocery store.
Nasaktan naman sa pagresponde ang arson investigator na si FO2 Bag-id.
“Nabagsakan ako ng nagbabagang kahoy sa batok, pero ok naman na, hindi naman grabe,” pahayag ni FO2 Bag-id.
Nagtamo ng 1st degree burn sa batok si FO2 Bag-id.
Sa iba pang ulat, alas-8:07 ng umaga nang masunog naman ang under renovation na bahay ni Ely Ramos sa 3593 Mag. Araullo St., Bacood, Sta. Mesa, Maynila.
Halos 12 minuto lamang ang itinagal ng sunog at naging maagap naman ang mga rumespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection at pagsapit ng alas-8:19 ng umaga ay ganap nang naapula ang apoy.
Wala namang napaulat na nasaktan o nasawi sa naturang insidente.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang tunay na naging sanhi ng pagsiklab ng apoy sa bahay na pag-aari ni San Diego.
|