KINITA SA EVAT, SAAN DINALA?

Habambuhay ang
bagay kay Bedol

Oposisyon, 2 beses natraydor sa Senado 

Pro-piracy bill
kinontra sa Senado

Akusado sa Aquino-
Galman nagsusumamo

P125 wage increase
ilalaban


Hulaan Blues

Crime Stories


 

TOP STORIES

Maruming kapaligiran ang isa sa mga sanhi ng pagkakasakit subalit hindi alintana ng mga batang ito ang mikrobyong makakasama sa kanilang kalusugan bagkus ay nag-uunahan pang makatagpo ng nahulog na barya habang hinahalukay ang mabahong kanal sa palengke ng Libertad St., Pasay City. (Chris Villarin)

KINITA SA EVAT, SAAN DINALA? 

Ni Rey Marfil (W/Bernard Taguinod/Rose Miranda)


Kaugnay ng mga planong bagong pagbubuwis, kaagad hinanap ng oposisyon ang kinita ng gobyerno ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa implementasyon ng 12 percent expanded value added tax o (EVAT).

Ayon kay opposition Sen. Panfilo "Ping" Lacson, isang malaking katanungan ngayon kung anong klaseng bagong pagbubuwis ang itutulak ni Mrs. Arroyo gayong hindi nito magawang maipaliwanag sa publiko kung saan napunta ang limpak-limpak na kinita sa EVAT.

Nagtataka ang senador kung bakit may malaking budget deficit ang gobyerno gayong malaki ang perang inaasahang iaakyat ng 12 porsyentong EVAT na sinisingil sa bawat bilihin kasama na ang pagkain.

Ayon pa kay Lacson, minsan nang pinagbigyan ng Upper House si Mrs. Arroyo sa EVAT at hindi makakapayag ang oposisyon na maulit ang walang kuwentang sistema sa pagbubuwis lalo pa’t hindi maipaliwanag ng Malacañang kung nasaan ang nakolektang kita sa EVAT.

"Kung itulak nila additional taxes siguradong marami sa amin ‘di kami papayag, pinagbigyan namin sa EVAT, sin tax at dagdag buwis bakit ngayon may budget deficit na malaki?" ani Lacson.

Nang isalang sa Upper House ang pagsabatas ng EVAT at sin tax, nagawang suportahan ng oposisyon ito, ayon kay Lacson, subalit ngayong hindi maipakita ni Mrs. Arroyo kung saan napunta ang kinita ng gobyerno sa dalawang tax measures, walang makukuhang pagpabor sa kanilang hanay ang common carriers tax.

Sa ilalim ng common carriers tax na isinusulong ng Malacañang, sisingilin ng 2,600% dagdag na buwis ang mga operators ng jeepney, bus at taxi kaya walang ibang tatamaan kundi ang mga mahihirap.

"Binigyan namin lahat na suporta noong nakaraang Kongreso bakit hindi minabuti ang koleksyon pinahirap ang mamamayan sa buwis tapos dadagdagan ng 2,600% ang common carriers tax? Bakit ibubunton ang galit sa pobreng operator at operator-driver. E kung ikaw operator ka ng sariling jeep o taxi medyo mabigat ang 2,600%. Aminado kaming outdated ang tax 1978 pa, pero bakit parang isang biglang pagbagsak," ani Lacson.

Samantala, sa pinakahuling kaganapan, nagdesisyon si Pangulong Arroyo na gawing "gradual" o unti-unti ang implementasyon ng naturang buwis sa PUVs.

Sinabi kahapon ni Press Secretary Ignacio Bunye na "gradual" lamang o unti-unti ang implementasyon ng nasabing buwis, na ang ibig sabihin ay hindi itotodo ang 2,600% additional tax kundi maliit na porsyento lamang ang ipapataw sa inisyal na implementasyon nito.

Hindi pa alam ni Bunye kung hanggang ilang porsyento muna ang unang ipatutupad ngunit magsasagawa umano ng dayalogo ang Department of Transportation and Communications (DOTC) sa mga transport groups upang magkaroon ng mas maayos na negosasyon.

"The implementation will be on the gradual basis... That’s the trend of the discussions now. There will be a smaller percentage that will be implemented, and the balance will be negotiated," ani Bunye.

Subalit ayon kay Anakpawis Rep. Crispin Beltran, ipagpapatuloy pa rin nila ang imbestigasyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para malaman kung ano ang nagtulak sa mga ito na patungan ng 2,600% ang buwis ng PUVs.

Naniniwala si Beltran na hindi nagsagawa ng konsultasyon ang BIR sa mga apektadong sektor kaya nais malaman ng kongresista kung ano ang naging batayan ng mga ito sa kanilang plano.

Wala aniyang mabibiktima sa dagdag na buwis na ito sa mga PUV kundi ang mga tsuper at mga mananakay dahil tiyak na sa kanila ipapasa ng mga operators ang dagdag na gastusin. 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top