|
|
EDITORIAL
Walang silbi Wala nang silbi ang isinusulong na limited emergency power ng Kongreso para kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil tinugon na ang kahilingan ng karamihan na pagkakaroon ng ulan bilang sagot sa dinaranas nating tagtuyot. Naunang lumutang ang ideyang pagbibigay ng emergency power sa Pangulong Arroyo bunsod ng lumalalang problema sa tagtuyot ng bansa kung saan maging ang mga magsasaka ay dumadaing na sa hirap na kanilang dinaranas sa pagbubukid. Bukod dito, apektado na rin ang ating produktong pang-agrikultura. Bilang inisyal na pagkilos, inatasan ng Pangulo ang Department of Finance (DOF) na magpalabas ng P664 milyong pondo para magamit sa cloud seeding operation at iba pang alternatibong solusyon sa problema. Pero ngayong nag-uuulan na at kahit papaano ay maiibsan hindi man tuluyang malulutas ang dinaranas nating tagtuyot, dapat ay makumbinsi na ang mga mambabatas at ang mga opisyal ng ating gobyerno na hindi na kailangan ng Pangulo ang anumang dagdag na kapangyarihan. Ang dapat gawin ng mga opisyales ng ating gobyerno lalo’t higit ng Pangulo ay pag-usapan at pag-isipan kung papaano reresolbahin ang isang simple o mahirap mang problema at kung ano ang akmang solusyon dito. Hindi iyong agad na hihingi ng kung anu-anong dagdag na kapangyarihan. Tama naman ang mga naunang opinyon at pananaw na ang taglay na kapangyarihan ng Pangulo ay sapat na upang madesisyunan at malapatan ng kaukulang solusyon ang problemang katulad ng tagtuyot. Dahil paso na ang isyu, mas mabuting paghandaan na ng mga opisyal ng gobyerno ang mga darating pang hamon o pagsubok sa bansa upang ipamalas sa sambayanang Filipino na preparado ang ating gobyerno sa anumang oras hindi iyong lagi na lamang humihingi ng kapangyarihan kung nalalagay sa alanganin.
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|