Kailangang sumailalim sa quarantine ang mga mambabatas na manonood sa laban ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao kontra kay Bristish Hitman Ricky Hatton sa Las Vegas pagbalik ng mga ito sa Pilipinas bilang bahagi ng pag-iingat sa swine flu na kumitil na sa mahigit 140-katao sa ibang bansa, lalo na sa Mexico.
Ginawa ni Nueva Ejica Rep. Edno Joson ang nasabing pahayag matapos mabatid na umaabot sa 50 congressman ang personal na manonood sa Battle of East and West kung saan ang unang batch sa mga mambabatas na ito ay nasa himpapawid na habang isinusulat ang balitang ito at ang ikalawang batch ay aalis bukas, Mayo 1.
Sa press conference, sinabi ni Joson na lahat ng mga mambabatas na uuwing may masamang karamadaman tulad ng lagnat, ubo at iba pang sintomas ng swine flu ay dapat boluntaryong magpa-quarantie.
“Nakakahiya naman kung sino ang magkakalat ng swine flu dito kaya dapat ang volutantary quarantine,” pahayag ni Joson, lalo na’t nagkaroon ng rin ng swine flu cases sa Estados Unidos.
Ipinaliwanag ng mambabatas na kahit congressman ay hindi libre sa swine flu dahil maaaring tamaan ang mga ito ng nasabing sakit na nagiging dahilan ng pagkabahala ngayon.
Samantala, pinayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang publiko na gawin ang lahat ng pag-iingat sa pagbibiyahe sa Mexico.
Nitong Abril 25, idineklara ng World Health Organization (WHO) ang pagkakaroon ng outbreak ng swine flue na isang “Public Health Emergency of International Concern.”
Kaugnay nito, inabisuhan ang lahat ng Filipino na magbibiyahe sa Mexico na umiwas sa matataong lugar, pakikipagkamay, pakikipag-beso-beso at pagsakay sa subway.
“Filipino travelers are also urged to avoid hospitals and clinics unless they have a medical emergency. Those with health concerns are advised to stay in their homes or hotels and call their physicians to avoid possible exposure,” pahayag ng DFA.
Mamamahagi naman ang Department of Health (DOH) ng Health Alert Notice (HAN) sa lahat ng mga paparating na biyahero buhat sa Estados Unidos at Mexico.
Oobligahin din ang mga bumibiyahe na magtala sa Health Declaration Checklist sa major ports of entry sa Pilipinas upang masala kung mayroon mang potential signs at sintomas ng exposure sa virus. (With Aries Cano)
|