Sa darating na May 31, 2008 idaraos ang General Assembly at election of officers ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Pero ang malaking tanong eh, matutuloy naman kaya ang eleksyon?
Kung sabagay may kalayuan pa naman ang nasabing petsa at sana’y makita kaagad ang namumuong problema ng mga kinauukulan.
Ewan ko kung alam na ito ng grupo ng SBP, pero tila may problema ang membership ng national sports association na siyang pipili ng mga opisyal sa pamamagitan ng kanilang boto.
Sa kasalukuyan, nasa 20 pa lamang ang naaaprubahang basketball organization ng SBP nominations and elections committee ni Ely Capacio.
Ang naunang 15 ay nasala sa unang pulong ng komite sa unang linggo ng buwan ng Abril at ang 5 ay nito lamang nakaraang Huwebes.
Ayon sa ulat, maraming organisasyon ang nagsumite ng kanilang application, pero ‘yung iba ay hindi naka-comply sa requirements kaya konti lamang ang naaprubahan.
Anyway, may question pa yata ang mga naaprubahan na ang application, dahil may nakapagsabi sa Laykdatan na ang BAP hardliners ay meron ding sariling listahan ng mga organisasyon at aprubado o accredited na umano ng FIBA.
Hindi masyadong malinaw ang pagkasabi sa akin ng source, pero sa kasalukuyang sitwasyon, makikita na ang namumuong problema.
Bukod sa mga sinasalang komite ni Capacio kaipala’y meron pang bukod na mga miyembro ang BAP na malamang na gagamitin sa araw ng botohan upang maagaw ang pamunuan ng BAP-SBP.
Kaya nga nasabi ko na kanina na may posibilidad na hindi matuloy ang election dahil hindi malinaw kung anu-anong basketball organization ang puwede at hindi makakaboto.
Ang lihitimong botante ba ay ‘yung naaprubahan ng nominations and elections committee ni Capacio o ‘yung nasa listahan ng BAP hardliners?
Sakali man at parehong puwedeng makaboto, tiyak na lagot ang grupo ng SBP dahil kokonti lamang ang kanilang bilang kumpara sa tinatayang mahigit 60 miyembro na kampi sa BAP.
Ano sa palagay ninyo? Tiyak ko, come May 31 karibok ‘yan!
***
Greetings: Belated happy birthday to kumpareng Jess Musnit. Sana maraming beerdays pa ang dumating sa’yo pre!