Dahil sa pamamaga ng kanyang kanang kamay hindi na makakasalang si reigning World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Gerry Peñalosa sa undercard ng Shane Mosley-Zab Judah slugfest sa Mayo 31 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Sa payo na rin ni Dr. Butch Penamante, ang family physician ng Peñalosa, kinakailangan ng two-time world champion na ipahinga muna ang kamay na napinsala sa kanyang pagte-training noon sa laban nila ni Thai Ratanachai Sor Vorapin, na kanyang tinalo kamakailan para sa matagumpay na title defense.
Nasaktan ang kamay ng 35-anyos na kampeon sa sparring session niya kay dating world champion Kevin Kelly sa kanyang training sa Las Vegas isang buwan na ang nakakaraan ngunit sinabi ni Peñalosa na hindi pa niya nasasabi ang kanyang desisyon sa kanyang American manager na si Billy Keane.
“Hindi ko pa na-inform `yung American manager ko tungkol sa desisyon ko. Pero sa advice nga ng doctor ko i-pahinga ko raw muna ‘yung kamay ko kasi medyo maga pa hanggang ngayon,” paglalahad ni Peñalosa kahapon sa sesyon ng SCOOP session sa Kamayan-Padre Faura.
Wala pang nababanggit na makakalaban ni Peñalosa sa May 31 boxing card, kung sakali mang tumango siya rito.
Sinabi rin ni Peñalosa na magiging maganda ang pahinga niya bilang paghahanda sa posibleng rematch niya kay WBO super-bantamweight champ Daniel Ponce de Leon sa Agosto.
“Mas magandang nakapahinga para maganda ang kundisyon natin against Ponce de Leon,” aniya.
|