Dear Tita Nora,
Nagoyo ako sa text at ito ngayon ang pinoproblema ko.
May naging girlfriend ako sa pamamagitan ng text. Tinamaan ako sa ka-text kong ito at naging inspirasyon ko sa araw-araw kong trabaho lalo na kung naririnig ko ang kanyang boses.
Noon pa ako interesadong makita siya pero mailap siya. Kaya naghintay ako ng pagkakataon.
Paglipas ng ilang buwan ay nagbunga ang pagtitiyaga ko sa kanya. Personal kaming nagkita at pinaghandaan ko talaga ito -- kung saan kami magkikita at kung saan ko siya ipapasyal at idi-dinner.
Pero biglang humupa ang pagnanasa ko nang makita ko siya at hindi ako makapaniwalang siya ang pinagpupuyatan kong i-text.
Ni sa hinagap ay hindi ko inaasahang pangit siya, as in walang kahitsu-hitsura. Noon ko lang naisip na pagsasayang lang pala ng oras at pera ang ginawa ko.
Hindi ko naman siya direktang tinalikuran nu’ng magkita kami. Nag-usap pa rin kami sandali pero hindi ko na tinuloy ang plano ko.
Ngayon ay panay pa rin ang text niya.
Ayoko sa kanya, Tita, kaya hindi na ako nagte-text. Ano ba ang gagawin ko sa babaing iyon?
Mr. Dream Boy
Dear Mr. Dream Boy,
Napaka-unfair mo na naman yata, iho. Komo’t hindi ka lang nagandahan ay basta mo na lang ibabasura ang gf mo sa text.
Kung talagang wala ka nang interes pa sa kanya ay maiging kausapin mo naman siya nang masinsinan. Be honest.
Anuman ang dating niya sa iyo, kailanga’y tapatin mo siya o prangkahin sa halip na patuloy siyang paasahin o dedmahin.
Isa pa, anuman ang hitsura niya’y huwag mo naman sanang hamakin. Iba-iba naman ang taste ng tao.
Iwasan mo rin sana, iho, na tumingin lang sa panlabas na kaanyuan, at higit sa lahat ay maging aral na rin sana sa iyo ang experience na iyan para kilalanin muna nang personal ang isang babae bago ka makipag-commit.
Good luck and God bless you.
Love,
Tita Nora