APRIL 19, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
PUBLIC SERVICE
 
Superbug
Roberto Zaide M.D.
 

Nagulat ang buong mundo noong ipinahayag ng United States Centers for Disease Control and Prevention na noong taong 2005, mas maraming tao ang namatay ng dahil sa MRSA (Methicillin Resistant Staphylococcus Aureus) infection kaysa sa AIDS (Acute Immuno Deficiency Syndrome). Halos 19,000 tao ang namatay ng dahil sa MRSA, 16,000 ang namatay ng dahil sa AIDS.

Itong mirkobyong MRSA na tinawag na “superbug” sa Amerika ay hindi nasusugpo ng karamihan na mga antibiotics na ginagamit ng mga doktor ngayon. Itong mirobyo ay nakakapasok sa tao kapag nakadaan sa balat na may hiwa o sugat o kaya ay nakakapasok sa baga kapag nalanghap galing sa isang taong mayroong pneumonia na dulot nitong MRSA.

Noong araw, itong MRSA ay nakaka-infect ng mga taong may chronic na sakit o mahina ang resistensiya lamang ngunit ngayon, maski na malusog ang tao, magkakasakit na rin. Noong nakaraang taon lamang, napuna ng mga tao itong superbug na ito, ngunit itong MRSA ay unang nakita noon 1960s sa mga ospital sa Europe.

Dito sa Pilipinas, ang MRSA ay unang nakita sa Philippine General Hospital noong 1987 at ito ay isinulat ni Drs. Almario at Velmonte sa Philippine Journal of Microbiology and Infectious Diseases.

Sabi ni Dr. Celia Carlos, isang infectious disease expert sa Department of Health, na itong MRSA noong nakaraan ay isang infection na nakukuha sa ospital ngunit noong 1990s, naglabasan na ang mga kaso ng MRSA na “community acquired” o nakikita sa mga tao na hindi naospital o dating malusog.

Ang symptom nitong infection ay depende kung saang parte ng katawan na-infect. Sa balat, magkakaroon ng parang tagihawat, pigsa, o namumula at namamagang balat. Kapag sa baga nagka-infection, magkakaroon ng pneumonia.

Kapag itong MRSA ay nakalusot sa balat, mabilis kakalat sa katawan at magkakaroon ng infection sa baga, sa utak, sa atay at sa mga buto. Kapag hindi agad nagamot sa dalawa o tatlong araw ng infection, maaaring mamatay ang pasyente. Ang MRSA infection ay nada-diagnose kapag nakita ang mikrobyo na pinatubo sa culture medium ngunit ito ay umaabot sa ilang araw bago tumubo ang mikrobyo, kaya’t kapag nagkaroon ng suspetsa na ang infection ay dahil sa MRSA, binibigyan agad ng sapat na antibiotic ang pasyente.

Dito sa atin, mayroon pang mga antibiotic na tumatalab sa MRSA infection. Ito ay ang vancomycin na itinuturok.

Ito at ang bagong antibiotic na linezolid ay napakamahal. Ipinapayo na upang huwag magkaroon ng MRSA infection, ang mga may sugat ay agad linisin ng sabon at tubig ang sugat at pahiran ng povidone iodine (betadine) at takpan ng malinis na bandage. Iwasang makadiit sa taong mayroong sugat. Linising mabuti ang mga damit at pang-ahit.

 

Microsoft Internet Explorer 7