APRIL 19, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Bigas at langis
Jun Bautista


Habang lahat na yata ng atensyon ay nakatuon sa presyo o kawalan ng bigas, hindi ba napapansin ang patuloy na pagsirit paitaas ng presyo ng langis? Tuwing gagalaw ang presyo ng langis, ito’y patungo sa bagong record.

Habang sinusulat ko ito ay halos $115 na kada bariles ang presyo sa world market. Kataka-taka bang tumaas na naman ito ng P0.50 kada litro ngayong weekend? Mula nu’ng Pebrero, umabot na ng P40.00 ang naitaas kada litro.

Para sa akin, sisiw itong pinagkakaguluhang presyo ng bigas kumpara sa presyo ng langis. Oo nga’t bigas ang ating tinatawag na staple food, apektado naman ng langis ang halos lahat ng bilihin (pati na bigas), at mga serbisyo.

Isa pa, maski na talagang magkagipitan sa bigas (na alam naman nating hindi mawawala), ang daming likas na substitute dito. Nariyan ang kamote, saging, kamoteng kahoy, gabi, atbp. Hindi naman siguro tayo makararanas ng gutom tulad ng nararanasan dun sa Africa. Pero ang langis, bokya pa tayo d’yan.

Kailan lang natin napagtuunan ng seryosong pansin ang alternate fuels, at kalalatag pa lang ng mga programa para sa biofuels. Pero ginagawa pa lamang ang mga planta para sa ethanol o coco diesel, at nagtatanim pa lang ng jetropa, tuba-tuba, atbp. Bale ba, napagdedebatihan pa ngayon kung ang lupang pinagtatamnan nito ay dapat iukol na lang para sa palay. Palagay ko... mali.

Puwedeng pagsabayin ang bigas at para sa biofuels... lupa para sa biofuels, lupa para sa bigas... na sana nama’y tamnan na ng hybrid o high-yielding varieties ng palay.

Halimbawang sagana tayo sa bigas, kung hindi naman maabot ang presyo ng ulam, gulay, karne, de lata, kuryente, at pasahe, dahil sa napakataas na presyo ng langis... saan tayo dadamputin? Lahat ng ‘yan ay apektado ng langis. Ang gulay, karne, itlog, manok, pati na bigas, ay binabiyahe mula sa probinsiya. Krudo ang gamit diyan. Krudo ang gamit sa pangingisda, sa kuryente at siyempre pa sa lahat ng uri ng transportasyon. Krudo ang gamit sa malalaking industriya.

Hindi ba’t habang ginagawa ng pamahalaan ang lahat na makakaya para maibsan ang krisis sa bigas, nagbabadya naman ang malawakang transportation at labor strike? Ito na ang direktang epekto ng tumataas na presyo ng langis. Kaya ang tanong ay... habang nakikita natin ang mga pagpupursigi para maibsan ang problema sa bigas... ano ang ginagawa sa problema sa langis?

Totoong wala tayong magagawa sa ikinikilos ng presyo nito sa world market, pero may magagawa ang gobyerno sa ipinapataw na buwis dito... ang 12% E-VAT. Hindi ba’t puwedeng isuspinde muna o bawasan ito (sa mga produkto lang ng langis) hangga’t hindi pa humuhupa ang presyo sa world market? Tiyak naman kasing matagal pa bago makatayo ang ating biofuels program.

Huwag na sanang guluhin pa ang isyung ito sa pamamagitan ng mga balanced budget, o fiscal position ng gobyerno, o credit ratings. Isipin na muna ang paghihirap ng taumbayan.

***

Nu’ng bumati kami ng advance Happy Birthday kay dating Pangulong Erap nu’ng isang linggo, dumaing siya na kailangan daw talaga niyang ipa-check ‘yung kanyang inoperahang tuhod. Taong 2003 pa ‘yon.

Maliban sa tuhod, na sumasakit na naman daw, kinailangan na rin niyang magkaroon ng general check-up. 71-anyos na nga naman siya sa kanyang kaarawan ngayong araw. Ang problema? Nagkakahirapan daw makakuha siya ng US visa. At ang pangamba pa niya ay... sakali daw mabigyan o “pa-bigyan” siya ng visa, baka naman daw hindi siya pabalikin bago mag-eleksyon sa 2010. Bitin kasi ang lahat kung tatakbo siya o hindi.

 

Microsoft Internet Explorer 7