Nahaharap ngayon sa demanda ang nagmamay-ari ng isang malaking gusali sa Mandaluyong matapos matuklasan ang iligal na paggamit ng tubig. Sa isang imbestigasyong ginawa ng Manila Water, napag-alaman na ibinebenta umano ng may-ari ng gusali sa mga nangungupahan dito ang tubig na nakukuha sa pamamagitan ng iligal na koneksyon.
Ang gusali na matatagpuan sa Barangaka Drive, Barangay Mauway sa Mandaluyong City ay sumailalim sa isang masusing pagmamatyag at imbestigasyon kung kaya’t nadiskubre na ang gusali pala ay iligal na nakakabit sa linya ng Manila Water.
Paglabag sa Republic Act No. 8041 o ang National Water Crisis Act ang isasampang kaso laban sa naturang may-ari ng gusali na may pagkakulong hanggang 12 taon at kakukulang multa.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagnanakaw ng tubig lalung-lalo na ang pagbebenta ng tubig na kinuha sa iligal na pamamaraan. Bukod dito, ang mga koneksyon ng iligal ay nakapamiminsala sa suplay para sa mga lehitimong kostumer at maaari ring maging sanhi ng pagpasok ng dumi na siya namang puwedeng pagmulan ng kontaminasyon.
|