Kung malaki ang pag-asa ni dating Pangulong Joseph Estrada na makabalik sa Malacañang dahil sa kanyang karisma sa masa, maliit naman ang tsansa nitong makalusot sa mga appointees ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Supreme Court (SC).
Ito ang reaksyon ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson sa pambubuyo ng kanyang mga supporters kay Estrada na tumakbo ito sa 2010 presidential election.
“Tiyak may magsasampa ng TRO (temporary restraining order) sa Korte Suprema niyan,” ani Joson dahil ngayon pa lamang kinukuwestiyon na ng ilang grupo ang legalidad ng pagtakbo ni Estrada.
Ayon pa kay Joson, sa dami ng mga appointees ni Arroyo sa Korte Suprema, malabong makalusot si Estrada kaya dapat na lamang nitong ipaubaya ang 2010 presidential election sa mga miyembro ng oposisyon.
Ipinaliwanag ng mambabatas na maraming may potensyal na mananalo sa hanay ng oposisyon basta magkaisa lamang ang mga ito at maging one-on-one ang laban.
“Kapag dalawa o tatlo ang tatakbo sa oposisyon, wala ng pag-asa. Bata ni Gloria ang tiyak na mananalo,” pahayag pa ng kongresista.
Kahit malakas pa umano ang karisma ni Estrada sa masa ay tiyak na mahahati pa rin ang boto ng oposisyon kaya nararapat lamang na ipaubaya nito sa iba ang presidential derby.
Kabilang sa mga miyembro ng oposisyon na itinuturing na presidentiables ay sina Sens. Manny Villar, Chiz Escudero, Loren Legarda, Mar Roxas at Panfilo Lacson.
|