Mistulang sinusutil na ng mga spokesman ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang taumbayan matapos ihayag ng mga ito na hindi prayoridad ng Malacañang ang wage hike na hinihintay ng mga manggagawa.
Ito ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño matapos aminin ng Malacañang na hindi prayoridad ng administrasyong Arroyo na taasan ang sahod ng mga manggagawa.
“Kapag ganyan, kakaibang galit na ang mga tao ang mararamdaman niya (Gloria),” pahayag ni Casiño bilang reaksyon sa pahayag ni Presidential Spokeswoman Lorelie Fajardo na hindi prayoridad ni Arroyo ang wage hike.
Ayon kay Casiño, lumalabas na pinakalma lamang ni Arroyo ang galit ng taumbayan nang iutos nito ang pag-convene sa Regional Wage Board para pag-aralan kung magkano ang umento ng mga minimum wage earners.
Hindi umano matutuwa ang mga manggagawa sa pag-amin na ito ng Malacañang kaya hindi masisisi ang mga tao na magalit nang husto sa administrasyon.
Sa ngayon ay pumapalo na umano sa P750 ang kailangang kitain ng isang haligi ng tahanan para mabuhay ng maayos ang kanyang pamilya dahil sa paglobo ng presyo ng mga bilihin.
Malayung-malayo ito sa P362 na minimum wage sa Metro Manila kaya kailangan na ang umento sa sahod.
Sa Senado, nanawagan naman si Sen. Francis “Chiz” Escudero na madaliin ang pagbibigay ng umento sa mga manggagawa at bigyan ng tax exemption ang mga minimum wage earners.
Ayon kay Escudero, hindi makasasapat ang umento para matugunan ng mga manggagawa ang pangangailangan ng bawat pamilya kaya malaki ang maitutulong ng tax exemption.
Sa kuwenta ni Escudero, tanging P5 bilyon ang mawawala sa gobyerno kapag binigyan ng tax exemption ang mga minimum wage earners kung saan napakaliit lamang kumpara sa multi-bilyon pisong buwis na tumatagas dahil sa kapalpakan ng Bureau of Custom (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Hamon at panawagan ko sa Kamara, sana madaliin nila ang pagpasa ng exemption ng minimum wage earners at gayundin ang nasa salary grade 5 ng pamahalaan upang sa gayon, hindi man natin mataasan ang suweldo ng manggagawa,” ani Escudero.
Sinabi pa ni Escudero na napakaliit lamang ng P5 bilyong mawawala sa gobyerno kapag nagbigay ng tax exemption sa mga minimum wage earners kumpara sa P50 bilyong nawawala sa Bureau of Customs dahil sa korapsyon.