HINDI man tuwirang inaamin ni Judy Ann Santos ang tampo sa kanyang home network ay halatang-halata sa boses at pananalita niya ang hinampo sa ABS-CBN na through the years ay naging loyal siya.
Nasambit na lang ni Juday na it does not pay to be loyal, although aminado siya na business is business.
Hindi sukat akalain ni Juday na ang prinodyus nilang pelikulang Ploning ay tatapatan ng pelikulang When Love Begins (bida sina Aga Muhlach at Anne Curtis) ng Star Cinema.
Bago pa man nila ginawa ang Ploning ay may playdate na silang Abril 30. Malabong iurong nila ang playdate dahil gusto niyang narito siya sa opening ng Ploning.
Sa Mayo ay aalis siya patungong Europe para magbakasyon kasama si Ryan Agoncillo. Sa ibang bansa siya magbi-birthday.
Malaki ang pasasalamat ni Juday na ang GMA 7 network pa ang tumutulong sa promo ng Ploning.
Mantakin mo na sa SOP pa ng GMA 7 bibigyan ng birthday presentation ang young superstar!
Sa dami ng ginawang pelikula ni Juday ay kakaiba raw ang Ploning. Ito ay ginawa nang walang kontrata at punung-puno ng pagmamahal.
Ang mga kaibigan ni Juday ay lumabas sa Ploning nang gratis o kung hindi man ay honorarium lamang.
Isang rebelasyon ang direktor ng pelikula na si Dante ‘Ga’ Garcia na isa sa mga malalapit na kaibigan ni Juday.
Dati ay stylist lang siya ni Juday at production designer ng mga pelikula. Ngayon ay full pledged director na siya.
Pareho sila ni Juday na nagtatrabaho sa ABS-CBN/Star Cinema pero eto nga at si Annette Gozon ng GMA Films ang sumusuporta sa kanila.
Hindi na kami magugulat na makita namin sila na sa bakuran ng GMA 7 naglilingkod.
Bukod sa pagiging abala ni Juday sa Ploning ay inaasikaso pa rin niya ang mga papeles ng anak na si Yohan para sa susunod niyang biyahe sa ibang bansa ay makasama na niya ito.
***
Marami na ang naiirita sa isang direktor na mahilig manigaw nang manigaw sa set ng mga programang kanyang ginagawa.
Nabalitaan namin na ayaw magsebisyo ng isang kumpanya sa TV program kapag ang direktor na ito ang may hawak.
Nalolokah ang Executive Producer ng programa, na minsan ay napapaiyak na lang sa sobrang stress at habag sa sarili.
***
Ipinalabas kagabi sa GMA 7 ang part 1 ng summer special ng Bubble Gang na kinunan sa Camsur Water Sports Complex sa Pili, Camarines Sur, courtesy of Gov. LRay Villafuerte.
Ngayong Sabado mapapanood ang summer special ng Bitoy’s Funniest Video (ni Michael V) na kinunan sa Baguio City, ganu’ndin ang summer special ng Pinoy Records na sa Boracay kinunan.
***
Napakapangit tingnan na ang isang dayuhan ay kinakapanayam sa isang istasyon para laitin ang kababayan natin.
Napanood ng marami kung paano kutyain ni Juan Manuel Marquez si Manny Pacquiao sa local TV.
Hindi matanggap ni Marquez ang kanyang pagkatalo. May tatlong judges na nagbigay ng mga puntos na ikinapanalo ni Pacquiao.
Kitang-kita noon kung paano nadaya si Manny pero hindi ito kumibo at nirespeto ang mga hurado, kahit umamin ang isa na nagkamali siya ng paghusga.
Ang hindi maganda sa mata ng marami nating kababayan ay kung paano kinunsinti ng mga mamahayag ang panlalait ng talunang Mehikano sa nagbigay ng parangal sa ating bansa.
Nakarating pa sa aming kaalaman na may tumawag sa pambasang kamao na naghuhugas-kamay at kesyo walang kinalaman ang network sa pagdating ni Marquez sa bansa. Being a true gentlemen ay hindi na kumibo si Pacquiao at ang nasabi lang sa tumawag ay, “Ok lang.”
***
Kinumpirma ni Richard Gutierrez na niregaluhan niya ang inang si Annabelle Rama ng isang Mercedes Benz.
Ganyan kabait ang anak ni Annabelle Rama.
Hanggang Abril 23 pa ang taping ng series ni Richard na Kamandag.
Sa May ay mag-uumpisa na sila ng taping ng bagong serye ng aktor na Asero.
Sa movie project naman nila ni KC Concepcion ay ongoing pa rin daw ang negosasyon.