Hindi tax break kagaya ng gustong mangyari ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kundi dagdag na umento ang kailangan sa panahong ito ng mga manggagawang Pinoy.
Sa halip kasing bigyan ng dagdag na sahod o aprubahan ang P125 across the board ng mga minimum wage earner ay tax break o paglibre sa bayarin sa buwis ang gustong ipatupad ng gobyerno.
Pero para sa amin, hindi tax break ang tugon sa krisis na pinagdaraanan ng bansa.
Ang dapat iimplementa ng gobyerno sa ganito ka-kritikal na sitwasyon ay pagpapatupad ng tamang pasahod lalo na’t lumabas sa pag-aaral ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ay P858 kada araw ang ginagastos ng isang pamilyang may anim na miyembro para mabuhay ng maayos.
Ang nasabing halaga ay napakaliit kumpara sa minimum wage na P325 na kasalukuyang tinatanggap ng mga manggagawa.
Kaya kesa pagplanuhan ang implementasyon ng tax break, pinakamabuting pagtuunan ng pansin ng gobyerno at mga mambabatas ang pagbibigay ng makatwirang dagdag-sahod sa mga manggagawa upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Bukod dito, ang tax break ay mararamdaman lamang ng mga manggagawa tuwing bayaran ng buwis, hindi kagaya ng dagdag-sahod na buwanan kung mapapakinabangan ng mga manggagawa.
|