Isang barker o taga-tawag ng mga pasahero ang inaresto ng mga barangay tanod matapos magsisigaw ang isang batang babae na limang taong gulang na hinalay umano ng una sa isang kariton kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang naarestong suspek na si Benedict Arroyo, 38-anyos at residente ng EDSA Extension, Barangay 79, Pasay City.
Naganap ang insidente dakong alas-dos ng madaling-araw kung saan namataan ng suspek ang biktima na nasa labas ng pamamahay.
Niyaya umano ng suspek ang paslit sa isang nakaparadang kariton sa F.B. Harrison St., malapit sa bahay ng biktima at doon ginawan ng kahalayan ang paslit.
Subalit nang tangkain umano ng suspek na ipasok ang kanyang daliri sa kaselanan ng biktima ay napasigaw na ang paslit at mabilis na nagtatakbo at nagsumbong sa kanyang ina.
Mariin namang itinanggi ng naarestong suspek ang akusasyon laban sa kanya ng biktima. Subalit nadiin ang suspek matapos na tumestigo laban sa kanya ng isang pipi’t binging lalaki na nakakita umano sa ginawang kahalayan ng suspek sa paslit.
Isinalaysay umano ng pipi’t binging saksi ang mga pangyayari sa pamamagitan ng pagsesenyas at iminuwestra ang mga kahalayang ginawa ng suspek.
|