Pinagtulungang bugbugin ng tatlong holdaper ang isang binatang katulong matapos na wala umano itong maibigay na kahit anong bagay o pera sa mga suspek na nangholdap sa kanya kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Nagtamo ng mga pasa sa mukha at katawan ang biktima na kinilalang si Fernando Cawili, 29, binata, helper/boy, ng No. 311 Barangay 49, Interior 31, 4th Avenue, Caloocan City.
Samantala, agad namang naaresto ng mga rumespondeng barangay tanod ang isa sa tatlong suspek na nakilalang si Romulo Soriano y Perdizo, 23, walang trabaho at nakatira sa 302 Interior 33, Baltazar St., ng nasabi ring lungsod.
Sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, nabatid na naganap ang insidente bandang ala-una kahapon ng madaling-araw sa panulukan ng 4th at 5th Avenue, Caloocan City, habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay ang biktima at dalawa nitong kasamahan sa trabaho.
Bigla na lamang umanong bumulaga sa kanila ang tatlong suspek mula sa madilim na bahagi ng nasabing lugar at agad na tinutukan ang biktima at mga kasamahan nito.
Nagdeklara ng holdap ang mga suspek subalit wala umanong maibigay na pera, alahas o cellphone ang biktima kaya nagalit ang mga holdaper at pinagsusuntok at pinagsisipa sa mukha at iba pang bahagi ng katawan si Cawili.
Nang makaalis ang mga suspek ay dali-dali namang humingi ng tulong ang biktima sa mga nagrorondang barangay tanod kaya’t naaresto ang suspek na si Soriano.
Nabatid na nakatakbo ang dalawang kasamahan ng biktima bago pa man makapagdeklara ng holdap ang mga suspek.
|