|
|
PUBLIC
SERVICE
Si Haring David ng MICP Dalawang container ng kontrabando na mga "highly dutiable goods" ang nakatakdang ipuslit sa Manila International Container Port (MICP). Ang mga kargamento raw na ito ay pag-aari ni Haring David na kamakailan ay nagtungo sa beach upang magpa- "TAN". Ang siste, dahil hebigat daw itong si Haring David ay hindi na ininspeksyon ang naturang mga container at marahil ay pipikit na lamang ang mata ni MICP district collector Adelina Molina. Ayon sa manifestong nakuha natin, nakalagay na consignee ay ang Desdan Mrktg, na pag-aari ni Haring David, at may mga deklaradong kargamento na bags and others subalit mga mamahaling produkto ang nasa loob nito. Hindi na tayo magpapatumpik-tumpik pa at atin nang ininguso ang mismong kargamento para naman hindi na mahirapan pa ang mga awtoridad na hanapin at inspeksyunin ito. Ang isa rito ay ang 40 FOOTER container na may numerong FSCU 6010176 (BL OOLU1020369530 HBL ILULAX MNL251610) at ang isa naman ay ang container na may numerong #00LU5657762 (BL 00LU1020369530 HBL ILULAX MNL251310). Siguro naman ay hindi na mahihirapan ang mga taga-Customs lalo na ang taga-MICP para inspeksyunin ang naturang mga high-end na kargamento na galing pa ata sa Los Angeles US of A. Susubaybayan po natin ito kung anu-anong kababalaghan ang mangyayari rito. *** Si Ray Orosa, isa sa mga whiz kids sa pananalapi noong mga taong nakaraan, ay may ‘di matawarang kaalaman sa numero at social science. Kaya’t nang kwestyunin niya ang kiling at bayas na mga tanong na pinakalat ng SWS sa survey noong nakaraang Marso, marami ang nakapuna. Ang mga tanong diumano ay leading at walang puwang sa objectivity, ayon kay Oroso. Ito’y karaniwang ginagawa ng pollsters na may agenda, na sa kasong ito’y mahabla sina Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at ang kanyang kandidato sa pagka-senador. Ang pagtuligsa ni Orosa sa survey ng SWS noong Marso ay walang halong pulitika. Sabi ni Orosa ang administrasyon at ang oposisyon ay maaaring gumamit ng kargado at may bias na mga katanungan para makuha ang ninanais na resulta, ngunit doon sa survey ng Marso, ginawa ‘yon ng SWS na may agendang masakdal ang Arroyo administrasyon at nang sa gayo’y sumama ang lagay ng kanyang mga kandidato. Ang patas ay patas, ayon kay Orosa, pero ang SWS ay talagang nagkamali sa March survey. Ang bias at may kiling na pagtatanong na gumagamit ng pangalan at pandiwa at walang pang-uri upang ang pollsters ay makakuha ang walang bahid na sagot, ay isang pagkakamali na nagpapaguho sa buong proseso ng SWS survey. Si Orosa ay naglabas ng matatag at mapanghikayat na argumento sa kanyang panig. Basurang tanong, basurang resulta. Ngunit ‘di pa rito nagtatapos ang mga problema ng SWS. Si Mansing Sarmiento, isang professional pollster at propesor ng pamantasan, ay may matagal at malawak na karanasan sa pagtataya ng damdamin at pulso ng bayan. May mga tanong s’ya tungkol sa respondent base ng mga survey ng SWS at Pulse Asia. Ang Metro Manila, isang megapolis, ay may respondent base na 300 katao sa SWS at Pulse Asia surveys, at ayon kay Sarmiento, ito’y napakaliit upang makunan ng kapaki-pakinabang na impormasyon sa voting preference na mga tao. May puntos naman si Sarmiento rito. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|