|
FOR THE RECORD Ni Jeany Lacorte
|
OPINION
Pabigat na operators at perwisyong Quirino Hi-way Sa halip na lumuwag ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila dahil nasa bakasyon ang mga estudyante ay matinding pagsisikip ng trapiko ang kadalasang bumubungad sa atin. Alam ba ninyo kung ano ang puno’t dulo ng matinding trapiko ngayon? Ito po ay walang iba kundi ang iniwang mga nakatiwangwang na mga proyektong pang-imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila. May ilang proyektong basta na lamang inabandona ng mga kontratista habang ang iba naman ay ang kadalasang gawi ng mga contractor rin ng Maynilad at Manila Water na nagsasagawa ng pagkumpuni ng mga linya ng tubig upang pag-ibayuhin ang maayos na serbisyo ng kanilang produkto subalit perwisyo naman ang hatid sa mga motorista. Isang naghuhumindig na pruweba ay ang may dalawang metrong laki lamang ng butas sa may Quirino highway malapit sa Teresa Heights Subdivision sa Novaliches, Quezon City na ugat ng matinding trapiko sa nasabing lugar. Ang hindi natin maintindihan ay kung bakit kailangang iwanang nakatiwangwang ang proyektong nabanggit gayung bago sila nagsimula ay patag na patag ang kalye. Bukod sa nasabing proyekto na nagdudulot magpahanggang ngayon ng matinding perwisyo sa mga nagdaraan sa Quirino highway sa Novaliches ay may isa pang ugat ang masikip na trapiko sa Quirino Highway partikular sa tapat ng Robinsons at SM kapwa Fairview, QC at ito ay ang bus terminal sa nasabing lugar. Sino kaya ang dapat lumutas sa problemang ito sa Quirino Highway, ang Quezon City government o ang MMDA? Para sa amin, kahit sino basta’t siguraduhing maisasaayos na ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar. Aba’y kung totoong preparasyon sa nalalapit na tag-ulan ang kaliwa’t kanang proyekto sa mga kalsada, ngayon pa lamang ay resolbahin na ito at huwag nang hintaying mag-uulan pa. *** Napakaraming party-list group ang gustong sumasabak sa darating na halalan na nagsasabing kakatawan sa marginalized sector ng ating lipunan. Halos mag-iisang daan nga sila kaya sa pagkakataong ito ay totoong hinaing ng kinakatawang sektor ang kanilang ilapit sa Kongreso. Kagaya ng matagal nang problema sa sektor ng transportasyon, partikular ng ating mga drivers -- tricycle jeepney at taxi. Sa paglipas ng panahon, pataas na ng pataas ang presyo ng gasolina subalit walang mailapat na solusyon dito. Oo nga’t may solusyon ang LTFRB dito at ito ay pagtaas ng flagdown ng kung ilang piso subalit nakakaloka dahil binabawi ito sa kanila ng mga operator sa paraan ng pagtataas ng boundary. Siguro ngayong nagkalat ang mga party-list group bakit kaya hindi isipin ng kung sinumang kakatawan sa sektor ng transportation ang pagtulong sa mga drivers? Bakit hindi gumawa ng batas na maglilimita sa pagtaas ng boundary ng mga taxi, jeep at tricycle? Hindi kasi magandang tingnan na ang mga taxi na napagkakitaan na ng 10-taon pataas ay maniningil pa ng mahigit sa P1,000 boundary. Kung gustong mabuhay ng mga operators, maging ang mga drivers ay gayundin ang hangarin kaya maging patas sana ang mga operators. Isang halimbawa ay ang pagmamalabis ng isa sa tatlong malalaking kumpanya ng taxi na puwersahang magbenta ng kung anu-anong bagay na kailangan ng mga drivers. Ultimo pabango sa kotse ay ibinibenta, sandalan sa upuan at kung anu-ano pang mapagkakakitaan. Kaawa-awa naman ang ating mga drivers na nagpapakapagod sa pagmamaneho ng 24-oras ngunit pagdating sa garahe ay walang kinita dahil sa napakataas na boundary. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|