Sa darating ng May 23 magsisimula ang isang bagong liga ng basketball na nangangakong magbibigay ng karapat-dapat na basketball excitement sa mga probi-probinsiya. At kasama sa excitement na ito ay ang hometown pride.
Ang Liga Pilipinas, na brainchild ng dating PBA Commissioner at moving force ng Third Force promotions na si Noli Eala ay bubuuin ng 16 na koponan. At home and away ang format nito. Ibig sabihin, lahat ng team ay may homecourt at maliban sa mga game sa homecourt nito ay siyempre dadayo ito sa mga court ng kanilang kalaban. Hango pa rin siyempre sa sistema ng NBA at nagpapaalala sa atin ng MBA o Metropolitan Basketball Association.
Sa tingin ng marami, ang MBA noon ay isang magandang konsepto pero tila maaga pa para sa panahon n’ya. At dagdag pa dun, maraming nakapuna na tila masyadong naging agresibo ang MBA noon na labanan ang PBA, dala na rin ng pag-alok ng maraming established PBA stars sa bagong provincial based league na ‘yun.
Pero nangangako naman si Noli Eala na maliban sa mabibigay nilang tuwa at excitement sa mga town at may mga team, hindi nila mauulit ang mga “lessons learned” ika nga ng ibang sumubok na sa sistemang ito.
Sa napupuna kong sistema ng Liga, mapapasang-ayon ako na “on paper”, tama sa Eala. Tignan n’yo lang ang rules sa pagbuo ng isang line-up. Mula sa 14 players sa line-up, dapat may 8 na player na homegrown talaga sa town na ‘yun, at puwede lang kumuha ng dalawang ex pro, at isang Fil-foreigner. ‘Yun at ‘yun ang mga napuna ng marami na naging gigil ng ibang liga noon, recruit ng recruit ng mga ex pro at ng mga Fil-Am, kaya’t medyo napagastos ng mataas.
‘Yan sa tingin ko ang pinaka-challenge sa mga 16 team owners ng Liga Pilipinas. ‘Wag magigil sa gastos, sa mga player, at ayon nga kay Eala, mag-discover at humubog ng mga homegrown talent. ‘Di ba nga naman, hometown pride ang pinag-uusapang puhunan ng isang team sa Liga Pilipinas?
Kung aalalahanin natin kung kelan talaga pumutok ang mga mega-million peso contracts sa PBA, nagsimula ‘yun lahat sa agawan kay Alvin Patrimonio nu’ng early 1990s. Dun na nauso ang offer sheet, at ‘pag ‘di na-match ng original team, ay lipat bahay na ang kanilang superstar.
Simula nu’n ay nag-sky rocket ang mga suweldo ng mga player at sa tingin ng marami, nagpahirap sa mga gastusin ng mga PBA teams, kaya’t nagka-domino effect na ito, at para mabawi ang mga ginagastos ng mga teams, ay tumaas naman ang TV rights fees at humaba na ang kuwento mula dun.
Pero balik sa Liga Pilipinas, ang isa pang magandang puhunan nito ay magsisimula ito sa magandang foundation, ang NBC, na s’ya lang ang provincial based league na nabubuhay mula ng tumiklop ang MBA. At ang kagandahan ng vison ng NBC at nitong bagong LP, ay modest o sapat at simple lang ang mga pangarap.
‘Wag munang mangarap ng buwan at langit, darating din ‘yun. Basta’t umarangkada ng hinay-hinay, alagaan ang puhunan na ang mismong mga player at balang-araw aabot din ‘yan sa pinapangarap nilang isang blockbuster league na magiging tuwa at inspirasyon ng marami.
Sa Liga Pilipinas, good luck sa inyo at inaasahan naming ang dagdag sa exciting basketball action.