Dear dra. holmes: (same letter, different answer from, APRIL 15)
Hindi na po ako mahal ng asawa ko...dati mahal na mahal nya ako hanggang sa magkaroon kmi ng problema sa pera. I’m working abroad sa Japan. tnt po ako d2. everytime po na nagtatanong ako about sa pera, ang dating po sa kanya eh pinaghahanapan ko sya kya hindi na po ako nagtanong ever since.
Hanggang sa lumaki na po at yun nga nawala na tuluyan love nya para saken. may anak na po kmi... nung umalis po ako eh buntis sya kya hindi ko pa po nakikita personally ung baby namin.. she’s turning 5 yrs old.
First 3 yrs namin magkahiwalay eh ok naman.. sabi nya marami pa daw sya gustong gawin at hindi nya magawa dahil saken.
Alam ko na hindi na nya ako mahal dahil nararamdaman ko un. ano sa palagay nyo dapat ko gawin? ADOR
Dear ADOR:
Noong nakaraang Martes, natapos ‘yung kolum sa aking pagpayo na kayong dalawa ay kailangang mag-usap nang masinsinan para malaman kung ang inyong gusto para sa sarili ninyo ay maaaring mangyari sa loob ng inyong relasyon. Kasi, kung hindi, mas mabuti nang maghiwalay ngayon, habang bata pa kayong dalawa, kaysa manatiling mag-asawa kahit na alam na alam ninyo na ‘di pala kayo magkatumbas ng layunin.
Sinabi ko rin na sana tingnan mo nang mas malalim ang iyong kontribusyon sa mga nangyari. Hindi ako mambobola sa iyo nang sinabi ko sa iyo noong Miyerkules na talagang napaiyak ako sa sulat mo.
Malaking bagay ‘yon, Ador, dahil bilang isang sikolohista ang isa sa unang tinuturo sa iyo ay: kung gusto mong talagang makatulong, kailangang hindi ka masyadong involved sa mga problema ng mga sumusulat sa iyo. Nakakasira kasi ito ng objectivity.
Baka masyado mong kampihan ang sumulat kaya hindi mo talaga marinig ang sinasabi ng kanyang asawa, biyenan, at sinumang nagkakaproblema. At kung hindi mo sila talagang naririnig, balewala ang payo mo sa kahit sinuman.
Dahil ang layunin ng pagtulong ay hindi ka kakampi sa isa (‘yan ang kahalagahan ng mga kaibigan). Ang tunay na serbisyo ng sikolohista ay tumulong sa manunukat at sa mga taong involved sa kanya. Mahirap itong gawin kung sa umpisa pa lang, masyado kang na-touch sa isa sa mga taong involved.
Kaya naisip ko: Para namang hindi bolero si Ador. Kung ganito ang dating ng sulat niya, marahil ganito rin ang dating sa kanyang asawa. At ang reaksyon ng isang kolumista ay hindi pareho sa magiging reaksyon ng asawa.
Marahil maiinis si misis: “haaaay naku. Nandiyan na naman si Ador, nagpapaawa sa iba. Na parang siya ang inosente, ako ang maldita. Mas mabuting makipaghiwalay na ako sa kanya para hindi na akong laging pinagbibintang na masama.”
‘Yan ang dahilan, Ador, na gusto ko sanang isulat mo rin sa iyong palagay kung ano ang nagawa mo para maging ganito ang relasyon ninyo. Kung wala kang maisip, hindi naman ibig sabihin na imposibleng magkabalikan kayo. Lalo lang tayong mahihirapang makahanap ng paraan para mangyari ito. Ingat at hihintayin ko ang iyong sagot, ok? MG Holmes
Si Dra. Holmes ay resource person sa Umagang Kay Ganda tuwing Martes sa ABS-CBN. Siya rin ay sumusulat sa Abante tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes at sa Abante TONITE tuwing Martes at Huwebes. Sulatan siya sa website www.margaritaholmes.com.