APRIL 17, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Astig sa Odiongan!
Rey Marfil


Noong Abril 9, 2008, bandang alas-12:30 ng mada­ling-araw, tahimik na nag-iinuman sa ‘Le Vince Bar and Restaurant’ sa Barangay Budiong, Odiongan Romblon ang magkakaibigang sina Dr. Nino Rey Fondevilla, Joel Carpio, Arnel Pena, Elmer Fontiga at Joel Conway Lim subalit isang insidente ang nang-agaw ng kasiya­han, walang iba kundi mismong public servant at kinikila­lang “Ama ng Bayan” -- si Vice Mayor Briccio Fajutnao, aba’y pinagsusuntok ang isa sa magkakaibigan kaya’t sinampahan ng kasong administratibo at kriminal sa Office of the Ombudsman.

Sa sworn affidavit ni Lim na inihain sa tanggapan ni Ombudsman Merceditas Guttierez, pumasok sa Le Vince Bar and Restaurant si Vice Mayor Fajutnao at akmang papaluin ng isang bote ng beer ang biktima, sabay bigkas ng katagang: “‘Di ba sinabi ko sa iyo na huwag ka pupunta ng Odiongan, papatayin kita.” Siguro naman, hindi lingid sa kaalaman ng mga taga-Odiongan na pag-aari ni Lim ang isang malaking internet cafe sa bayan at nalalaman din ng mga constituents ni Vice Mayor kung gaano kalaki ang kanyang pangangatawan kumpara sa biktima, maging ang tsismis na kumalat sa bayan.

Kundi naging maagap si Carpio at hindi nahawakan sa kamay si Vice Mayor, napalo ng ‘San Miguel beer bottle’ si Lim. At habang palabas ng bar si Lim para iwasan ang gulo, sumunod pa rin si Vice Mayor subalit nabuwal sa hallway at muling namutawi ang katagang: “Huwag kang magpapakita dito sa Odiongan at papatayin kita” sa kabila ng pag-awat ng mga kasamahan. Teka lang, kelan pa naging pag-aari ni Vice Mayor Fajutnao ang Odiongan, eh kahit si Magellan, hindi ‘napatitulohan’ ang buong Pili­pinas kaya’t nadale ni Lapu-Lapu sa Mactan.

Ang nakalulungkot sa lahat, pinagsusuntok ni Vice Mayor ang negosyante sa kabila ng pagmamakaawa at wala ring maibigay na kasagutan nang tanungin kung anong nagawang kasalanan, as in bingi ang opisyal, animo’y nag-enjoy sa pambubugbog sa biktima hanggang matumba sa pagod.

Mantakin n’yo, makailang-beses pinigilan si Vice Mayor ng mga kasamahan pero sumugod pa rin at pinagsusuntok si Lim sa mukha na nagresulta sa pagdugo ng ilong -- isang ebidensiya ang medico legal certificate na inilabas ng provincial hospital.

Kahit nakatikim ng maraming suntok, pakumbaba pa rin si Lim at nagsabing “Sir please, mag-usap tayo. Ano po ba ng kasalanan ko sa inyo? Nirerespeto ko po kayo Vice”. Iyon lang, walang nakuhang kasagutan kay Vice Mayor ang biktima at patuloy itong pinagsusuntok, mali­ban sa katagang “Sabi kong ‘wag ka nang pumunta dito sa Odiongan dahil papatayin kita”. Naawat lamang si Vice Mayor dahil hinila si Lim palayo ng mga kaibigan.

Take note: mismong kaibigan ni Lim ang nagtanong kay Vice Mayor kung anong kasalanan ng kanilang kaibigan at bakit pinagsusuntok.

Ang sagot ni Vice: “Alam n’yo na iyon” na hindi maintindihan ng grupo at sinabihan pang, “Ipaabot ninyo sa kanya, huwag siyang magpakita dito sa Odiongan, papatayin ko siya” -- ito’y naka-attached sa joint affidavit nina Carpio, Pena at Fontiga laban kay Vice Mayor.

Maging sa medico legal ng Romblon Provincial Hospital sa Odiongan, malinaw ang findings ng attending physician -- si Dr. Arden Zara noong Abril 9, ang pagkakaroon ng iba’t ibang bukol sa mukha ni Lim, maging sa nasal bridge, pasa sa kamay at braso dahil sinangga ang lahat ng suntok ni Vice.

Higit sa lahat, malinaw ang certification ng Philippine National Police (PNP) via Odiongan Municipal Police Station kung saan kinumpirma ni Police Supt. Bobby Fopalan ang panununtok ni Vice Mayor.

Ika ni Marlo Dalisay ng RMN-Manila at lehitimong taga-Odio­ngan, pito naman ang miyembro ng Sangguniang Bayan (SB), bakit hindi iakyat ni DILG Secretary Ronnie Puno ang isang konsehal bilang Vice Mayor kesa dumami ang siga sa Odiongan. Iyan bang tinatawag na public servant at Your Honor?

 

Microsoft Internet Explorer 7