Magandang araw po Senator Chiz,
Kumusta po kayo? Meron lang po ako itatanong sa’yo tungkol po sa 1-year warranty. Kasi po ‘yong kaibigan ko po bumili ng cellphone, 5 months na sa kanya tapos nasira po ‘yung lagayan ng headset niya. Pumunta siya sa binilhan niya ng cellphone para ipaayos sana. Pagdating niya roon tinanggihan po siya.
Hindi na raw pwede maipaayos sa kanila ‘yong cellphone dahil daw po nasira ‘yung cellphone at sadya raw po ang pagkasira. Sa totoo po, hindi siya nakasira sa cellphone niya, ibang tao ang nakasira. Ang tanong lang po Sir Chiz, ‘di ba sir ‘yong cellphone niya pasok pa sa 1-year warranty? Salamat po
Edwardo Taculod
Dear Edwardo,
Magandang araw sa iyo. Nais mong malaman kung ayon sa iyong nailahad, pasok pa sa sinasabing one (1) year warranty na ginagawad sa nasabing cellphone.
Dapat mong malaman na sa mga transaksyon ng bentahan o pagbili ng mga kagamitan, may mga inilalahad na mga alituntunin ang batas ukol dito lalo na sa usapan ng warranty. Ayon sa ating Kodigo Sibil, ang isang nagbenta ay may katungkulan na bigyang seguro ang nakabili na ang kagamitan na nabili ay walang depekto o sira na magreresulta sa kahirapan sa paggamit nito.
Kung sakali man na may lumitaw na depekto na ‘di naman lumabas o maituturo na kasalanan o responsibilidad ng nakabili, obligado ang nagbenta na panagutan ang nasabing sira sa pamamagitan ng pag-ayos nito; pagpalit sa nasabing gamit na walang anumang dagdag sa gastos; pagbalik ng gamit at pagsasauli ng kaukulang kabayaran dito. Ang mga remedyong ito ay nakadepende sa nais piliin ng nakabili.
Bagama’t may mga nailahad na mga remedyo ukol sa pagpapatupad ng warranty ng isang bagay, importante na mapatunayan na ang pagkasira o depekto ng gamit ay ‘di dala ng maling paggamit o pang-aabuso ng nakabili.
Hindi naman hinahayaan ng batas na basta na lamang laging may responsibilidad ang nagbenta sa mga depekto o sira kung ito naman talaga ay dahilan sa malinaw na kasalanan ng nakabili.
Sa iyong nailahad, malinaw na ang pagkasira ng nasabing cellphone ay dala ng maling paggamit o pang-aabuso ng kaibigan ng may-ari. Masakit man ang pangyayari, kahit na ‘di naman kasalanan ng may-ari ang pagkasira, hindi rin naman maituturing na ang pagkasira ay responsibilidad ng nagbenta dahil nga sa pag-amin mo na ang nakasira ay ang nasabing kaibigan.
Malalim at malawak ang proteksyon na ibinibigay ng batas ukol sa mga depektibo o sirang gamit na ibinebenta. Naiintindihan ng batas na masakit sa taong nakabili na maglabas ng perang kanyang pinaghirapan upang makabili lang ng walang silbing gamit.
Ngunit hindi nangangahulugan na sa bawat sitwasyon, responsibilidad ng nagbenta ang depekto o sira. Tulad ng nasabi, kung ang kadahilanan sa pagkasira ay dala ng maling paggamit o pang-aabuso ng nakabili, kahit na pasok pa sa tinatawag na warranty period ang gamit, hindi makatarungan na panagutan ito ng nagbenta at ayusin ito ng walang kaukulang bayad.
Sumasainyo,
Senator Francis “Chiz” Escudero
Ilakip ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo.com.