Dahil daw sa mga mayayamang bumibili ng NFA rice, ipinasiya ng gobyerno na alisin na sa mga pamilihang bayan ang NFA rice.
Ang NFA rice ay dadalhin na lamang sa mga “urban poor areas” para matiyak na ang murang bigas ay para lamang sa mga mahihirap.
Hindi ko lang alam kung sinong taga-gobyerno ang nakakita sa mga anak nina Lucio Tan, Henry Sy at John Gokongwei na nakapila sa tindahan ng NFA rice.
Mayroon kaya silang nakitang mga de-kotse na nagtiis pumila sa kainitan ng araw para lamang makabili ng tatlong kilo ng NFA rice?
Ang 2% bang mayayaman sa Pilipinas na nagbabawas na nga ng “carbo intake” ay pupuntiryahin pa sa pagkaubos ng NFA rice?
Mukhang gusto na naman tayong paikutan dito ng mga “mahuhusay” sa Malacañang. Hindi naman dahil sa ang mga Pinoy ay kinakapos sa bigas eh madali nang maloloko.
Kahit mas marami ang nagugutom ngayon kumpara noong 2001 nang magsimulang manungkulan ang MAHAL NA PANGULO, matino pa naman ang isip ng mga Filipino.
Hindi ba’t ayon sa mga survey, noong nakaraang taon 14.7% ng mga Filipino ang nakaranas ng gutom kumpara sa 11.1% lang noong 2001.
***
Kung ang layunin ng pamahalaan ay mabentahan ng murang bigas ang mga mahihirap, mas lalong dapat ikalat sa mga palengke ang NFA rice.
Naalala ko na minsang binalak pa nga ng Department of Agriculture na paabutin sa mga grocery store ang NFA rice para mas marami ang makabili. Pero ngayon pati sa mga palengke ay tatanggalin na rin.
Mga mayayamang bumibili nga ba ng NFA rice ang dahilan o talagang nauubos na ang bigas ng NFA?
Noong una ang mga pamilyang bumibili ng NFA rice ang sinisi...nagha-HOUSEHOLD HOARDING daw kaya madaling maubos ang bigas. Ngayon, mga mayayaman naman.
Sino ba namang may perang kayang bumili ng isang kabang bigas ang magbibilad pa araw sa pilahan ng NFA para makabili ng NFA rice?
Sa ganitong sitwasyon, MAGLOLOKOHAN PA BA TAYO, HA?! Panginoong kong buhay ito oo.
***
Ipagpalagay ng hindi natin alam na ang NFA rice ay para lamang talaga sa mga mahihirap…alamin nga natin kung ilan ang may “karapatan” sa NFA rice.
Ayon sa data ng National Statistics Coordination Board o NSCB na sinang-ayunan naman ng National Statistics Office o NSO at sinuportahan pa ng National Wages and Productivity Commission o NWPC at ng Population Commission…27.6 million Filipinos ang maituturing na MAHIRAP.
Ayon sa report na iniharap sa Philippine Development Forum na ginanap kamakailan sa Clark Pampanga, tumaas ng 3.8 million ang bilang ng mga MAHIHIRAP NA FILIPINO mula noong 2003.
Nangangahulugan na 27.6 MILLION FILIPINOS sa buong bansa ang may karapatang tumanggap ng murang bigas mula sa NFA.
Sa mga urban poor areas lamang ba matatagpuan ang mga mahihirap na Filipino? Ayon din po sa mga data ng mga government agencies na ito, nakakalat sa buong bansa ang mga naghihikahos na mamamayan.
***
‘Wag na tayong maglokohan…aminin na ng gobyerno kung kaya pa nitong mag-subsidize ng murang bigas… itigil ang paninisi sa mga mahihirap, itigil ang paggamit sa mga mayayaman bilang palusot.
Walang masama sa hangaring mahihirap lamang ang mabibiyayaan sa murang bigas dahil iyan naman na ang nangyayari ngayon.
Kung dadalhin at ililimita lamang ang NFA rice sa mga urban poor areas, baka naman walang bumili dahil kahit mura ay walang pambili ng bigas ang mga tao toon.
Sa dami ng mga walang trabaho ngayon, 7.4% ayon sa NSO o 4.2 million jobless Filipinos, baka magtakam lang sa kanin ang mga kababayan natin.
gerrybaja@yahoo.com