Iniutos ni DOTC Secretary Leandro Mendoza kahapon ang agarang paglalagay ng apat o higit pang heavy-duty air-conditioning units sa pre-departure area ng Puerto Princesa Airport sa Palawan para sa komportableng paglalakbay ng mga pasahero doon.
Ang air-con units ay tumitimbang ng tatlo hanggang limang tonelada bawat isa at gagamitin habang nire-rehabilitate ang airport. Nagpadala rin si Secretary Mendoza ng isang team ng DOTC at ng Air Transportation Office (ATO) upang alamin ang sitwasyon sa airport.
Ayon kay Mendoza, nakarating sa DOTC ang reports na nabalam ang phase two ng rehabilitasyon ng airport dahil nais ng ilang pulitiko doon na ibigay sa kanilang pinapaborang kontraktor ang proyekto kahit walang public bidding.
“The project will be implemented strictly following the prescribed bidding rules and regulations,” wika ni Mendoza.
Ang phase one ng proyekto na iminungkahi ni Congressman Abraham Mitra ay nagkakahalaga ng P30 milyon at nakapaloob dito ang framing at bubong ng terminal building.
Sakop naman ng phase two ang air-conditioning system, plumbing fixtures, electrical works, fire alarm, communication system at waste and drainage system.
|