Hindi kinagat sa Senado ang pagpapaimbestiga kay Sen. Gregorio “Gringo” Honasan na ikinanta ng nagpapakilalang si Capt. Nicanor Faeldon bilang mastermind sa Oakwood Mutiny noong Hulyo 2003.
Kaagad tinabla ni Sen. Rodolfo Biazon, chairman ng Senate committee on national defense and security, ang suhestyong imbestigahan si Honasan, alinsunod sa impormasyong ibinigay sa ABS-CBN ng nagpakilalang si Faeldon.
Ayon kay Biazon, mahirap paniwalaan ang mga binitawang akusasyon ni Faeldon sa telebisyon lalo pa’t mahirap itong makuhang testigo dahil nagtatago at fugitive ito sa kasong rebelyon.
“I do not propose such a thing, there are just not enough reason to do it. One statement coming from one who is in the underground such as Capt. Nick Faeldon, would not constitute enough justification for us to take some action,” ani Biazon.
Kaugnay nito, sa pamamagitan ni Atty. JG Gan, spokesman ni Honasan, kontodo-tanggi naman ang tanggapan ng senador.
Ayon kay Gan, nasa korte at lamesa ng Department of Justice (DOJ) ang ebidensyang magpapatunay na wala aniyang kinalaman si Honasan sa Oakwood mutiny kaya’t nabasura ang kaso.
|